Mga Laro Ngayon
(Malolos Sports Center)
12:30 p.m. F2 Logistics vs Cignal
3 p.m. Foton vs Generika
5 p.m. RC Cola-Army vs Petron
Team Standings: Foton (5-0); Petron (5-1); F2 Logistics (3-3); RC Cola-Army (2-3); Cignal (1-3); Generika (0-6)
MASUSUBUKAN ang lakas ng RC Cola-Army Troopers sa pagsagupa sa Petron Tri-Activ Spikers at sa super import nitong si Stephanie Niemer sa 2016 Asics Philippine Superliga Grand Prix na hatid ng PLDT Home Ultera ngayon sa Malolos Sports and Convention Center sa Malolos City, Bulacan.
Ang salpukan ng RC Cola-Army at Petron ay gaganapin alas-5 ng hapon matapos ang paghaharap ng F2 Logistics Cargo Movers at Cignal HD Spikers dakong alas-12:30 ng hapon at bakbakan ng wala pang talo na Foton Tornadoes at Generika Lifesavers sa ikalawang laro ganap na alas-3 ng hapon sa eksplosibong weekend tripleheader na suportado ng Mikasa, Asics, Mueller, Senoh at Grand Sport katuwang ang TV5 bilang official broadcaster.
Ang mga tiket ay mabibili pa rin sa SM Ticketnet outlets gayundin sa venue sa McArthur Highway.
“We’re thankful to the PSL for bringing exciting volleyball action to our city. We hope that they will never get tired of staging their games here to inspire our youth,” sabi ni Malolos City Mayor Christian Natividad.
Ang Foton, na dinaig ang Cignal sa apat na set noong Huwebes, ay nananatiling nasa itaas ng team standings sa malinis nitong 5-0 panalo-talo na kartada.
Nasa likuran ng Tornadoes ang Tri-Activ Spikers na may 5-1 karta at pinamumunuan ni Niemer, na nagpakita ng dominanteng paglalaro sa nakalipas na dalawang laro.
Laban sa Foton, si Niemer ay nagtala ng conference-high 38 puntos buhat sa 34 kills, tatlong aces at isang block maliban pa sa ginawang 13 digs at 10 excellent receptions na patunay na siya ang best all-around player sa ligang iniisponsoran ng Focus Athletics, KLab Cyscorpions, Foton, Petron at F2 Logistics.