Bentahe sa Final Four target ng Ateneo Blue Eagles

Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
2 p.m. UST vs Ateneo
4 p.m. FEU vs La Salle
Team Standings: La Salle (12-1); FEU (8-4); Ateneo (8-4); Adamson (7-5); NU (5-8); UP (5-8); UST (3-10); UE (2-10)

PILIT na sesementuhan ng Ateneo de Manila University Blue Eagles ang pagkapit nito sa ikalawang silya na may dalawang beses tatalunin na insentibo ngayong hapon sa pagsagupa nito sa season host na University of Santo Tomas Growling Tigers sa tampok na laro ng UAAP Season 79 men’s basketball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Agad na magsasagupa sa unang laro ganap na alas-2 ng hapon ang Blue Eagles at Growling Tigers bago naman sundan ng salpukan sa pagitan ng defending champion Far Eastern University Tamaraws at De La Salle University Green Archers sa alas-4 ng hapon.

Importante ang lahat ng natitirang laro sa Blue Eagles, na itinala ang apat na magkakasunod na panalo kabilang ang pagdungis sa kartada ng nangungunang Green Archers at Tamaraws, upang makisalo sa ikalawang puwesto sa 8-4 panalo-talong kartada.

Ito ay dahil nakikipag-agawan ito sa Tamaraws na kasalukuyang katabla nito sa ikalawang puwesto sa Final Four na may nakatayang twice-to-beat advantage sa pagsagupa sa napatalsik na sa labanan na Growling Tigers. Una nang tinalo ng Ateneo sa kanilang paghaharap ang UST, 73-69.

Nakatakdang sagupain ng Blue Eagles sa kanilang krusyal na huling dalawang laro ang FEU at ang kumumpleto sa semifinals cast na Adamson University Soaring Falcons.

May posibilidad na magtabla-tabla sa ikalawang puwesto ang Ateneo, FEU at Adamson na kung magaganap ay inaasahang dedesisyunan sa pamamagitan ng playoff para madetermina ang kanilang ookupahang puwesto. Ang Adamson ay nasa likuran lamang ng Ateneo at FEU na may 7-5 panalo-talong karta.

Samantala, pilit na papawiin ng La Salle ang masakit na pagkatalo sa Ateneo sa pag-asinta ng ika-13 panalo ng Green Archers kontra Tamaraws na magbibigay dito ng winning momentum papapasok sa Final Four.

Read more...