ANG pagkakapanalo ni Donald Trump sa US presidential election ay pag-uusapan nang matagal na panahon dahil hindi ito inasahan ng marami.
Maraming botante ang umasa na si Hillary Clinton ang mananalo.
Repeat performance ito ng Truman-Dewey electoral contest sa US may 68 taon na ang nakararaan.
Noong Nov. 2, 1948, tinalo ng incumbent na si Harry Truman, isang Democrat, si New York Gov. Thomas Dewey na heavily favored sa pagka-presidente ng US.
Ang mga surveys at political analysts ng mga panahong yun ay sobrang nakasisiguro na si Dewey na, bago pa man matapos ang bilangan, nag-headline ang Chicago Tribune ng, “Dewey defeats Truman.”
Ang hindi nakita ng mga pollsters at political analysts ay ang Silent Majority.
Mahirap nang paniwalaan ngayon ang mga surveys.
Si Trump ay Duterte ng US; si President Rodrigo Duterte naman ay Trump ng Pilipinas.
Pareho silang brusko at mabulaklak ang dila sa mura.
Ang aking bold prediction: Si Trump at si Duterte ay magkakabanggaan sa una at magiging magkaibigan sa ‘di kalaunan.
Makikita ni Trump na siya at si Digong ay magkaugali at ganoon din si Digong kay Trump.
Ang kanilang pagiging magkaibigan will be based on mutual respect.
Yan naman talaga ang hinahanap ni Digong sa America: Igalang ni Uncle Sam si Juan dela Cruz.
Di kagaya ng kanyang mga pinalitan, Trump will realize na hindi tuta ng America ang Pilipinas sa pamumuno ni Duterte.
Ang US sa pamamahala ni Trump ay hindi na tatratuhin ang Pilipinas na “little brown brother” but as an equal.
Hindi na tayo bibigyan ng mga gamit pandigma na pinagsawaan na ng America dahil bibili na tayo sa kanila dahil alam nila na makakakuha na tayo ng mga gamit sa China at Russia.
Ang Pilipinas ay maguumpisa nang gumawa ng mga gamit pandigma sa pamamagitan ng likas na talino ng mga Pinoy.
Magkakandarapa ang America at China na sa pagtulong sa atin o magpautang sa atin dahil alam nila na magiging First World country na tayo.
Ako ba’y nangangangarap? Lahat ng mga kasangkapan sa mundo ay bunga ng pangarap.
Kung ano ang iniisip natin ay matutupad natin.
Kaya’t mag-umpisa na tayong mangarap, mga kababayan ko!
Dapat humanda ang ating bansa na mapabilang sa First World.
Umpisahan na natin ang paghahanda ngayon.
Nahuhulaan ko na sa pagtatapos ng termino ni Digong Duterte six years from now, ang ating bansa ay magiging tiger economy at patungo sa pagiging First World.
Sa ngayon ay nagkakaroon ako ng isang pangitain na malalampasan natin ang mga kalapit bansa sa ekonomiya.
Hindi ko alam kung bakit, pero nagkakaroon ako ng pangitain habang sinusulat ko ang column na ito.
Sa ilang pagkakataon, “nakita” ko ang mga pangyayari bago pa man nagkatotoo ang mga ito.
Noong taong 2007, nagkaroon ako ng pangitain na magkakasakit ng malubha ang isang naninirahan sa Malakanyang tatlong buwan bago nagka-heart attack at aneurysm si first gentleman Mike Arroyo.
In fact, I wrote about the vision in my column at the INQUIRER on January 27, 2007.
Nagkasakit si Mike Arroyo ng April, 2007.
Noong 2013, naramdaman ko na isang trahedya na mas malaki pa sa Bohol earthquake ang magaganap sa bansa isang buwan bago sinalanta ng Supertyphoon “Yolanda” ang Eastern Visayas ng Nov. 8, 2013.
Nasa Bohol kami ng aking staff sa “Isumbong mo kay Tulfo” kasama ang ilang mga doktor ng St. Luke’s Medical Center para tumulong sa mga biktima ng malakas na lindol.
Nasa malaking bangka kami pauwi na ng bayan ng Panglao at nanggaling ng bayan ng Loon, one of the worst hit by the big temblor, nang bigla kong sinabi kay Rosalin Ferrer, aking chief of staff sa Isumbong, “Alin, bago matapos ang taon, isa pang trahedya na mas malaki pa dito sa Bohol ang mangyayari. Kailangang mag-stock up tayo ng mga pagkain at medisina para sa mga biktima bago pa man dumating ang trahedya.”
Ganoon nga ang aming ginawa nang nakabalik na kami sa Maynila: Bumili kami ng mga medisina at mga de latang pagkain upang mapaghandaan ang kung ano man yung magaganap na trahedya.
A week later, duma-ting si “Yolanda.”
At dahil nakahanda kami, ang aking medical and mercy mission ang kauna-unahang NGO (non-government organization) ang dumating sa Tacloban City tatlong araw matapos itong masalanta ng Yolanda.
Sa kabutihang-palad, binigyan kami ng eroplano ni Ramon Ang, may-ari pa noon ng Philippine Airlines (PAL).