CHANGI, SINGAPORE – Kasalukuyan akong umiikot dito sa Singapore, isa sa mga pinakamaliit ngunit pinakaprogresibong bansa sa buong mundo. Dito ang trapik ay parang sa Maynila rin, at ang dami ng tao kung population to land area ang titingnan ay hindi malayo sa Metro Manila.
Subalit nakikita rito ang maayos na daloy ng trapiko, mahusay na public transportation at magaling na zoning system sa buong territory. Sa madaling salita, naplano nang mahusay ang buong Singapore.
Hindi ko na hihilingin na makapagplano ng ganito ang Kalakhang Maynila o anumang metropolis sa bansa na nakatayo na. Mahirap na tibagin ang mga nakatayo ng gusali at imprastraktura para ayusin ang ating mga siyudad.
Pero sabi nga sa akin ni Glenn Tan, tagapamahala at tagapagmana ng napakalaking Tan Chong Industry (Fuji Heavy Industries) na nakabase sa Singapore, mayroon kasing foresight ang mga pinuno ng Singapore.
Sa kanilang subway at train system na lamang, halos tatlong palapag ang lalim ng kanilang subway at ang third level ay hindi pa nagagamit. Bakit humukay ng tatlong palapag kung hindi naman magagamit pa? Dahil inaasahan nila na dadating ang araw na dadami ang tao at kakailanganin ang ikatlong level. Sa ngayon ay dalawang level na ang ginagamit nila.
Ikumpara natin sa MRT natin na noong ginawa ay para lamang sa 200,000 pasahero araw-araw sa kabuuan ng linya mula North Avenue hanggang Taft Avenue. Yung mga platform doon ay ginawa para lamang sa 200,000 katao. Walang foresight, walang plano kung paano na pag dumami ang gagamit.
Ngayon, nasa halos 700,000 na ang gumagamit ng MRT araw-araw sa rush hour at umaapaw sa dami ng tao ang mga platforms at hagdanan. Nakakaawa ang mga sumasakay ng MRT dahil sa pagpila pa lang ay nauubos na ang kanilang oras. ‘Wag mo na isama diyan yung pagsemplang ng operasyon ng MRT.
Ngayon, paano pa natin aayusin ‘yung passenger platforms ng MRT eh sangkatutak na gusali na ang nakapaligid sa mga loading stations nito, mga gusali na ipinatayo ng mga politikong may mga negosyo?
Auto Trivia: Isang Pilipino ang umabot sa 3rd place ng Subaru Palm Challenge Championship na ginawa sa Takashimaya Mall sa Singapore.
Si Alex Neblasca ay nagawang hawakan ang Subaru na natoka sa kanya sa loob ng 73 oras at mahigit 45 minuto. Nanalo siya ng $2000 Singaporean dollars. Ang nanalo ng kotseng Subaru na papremyo ay isang Indian na nakatira sa Singapore at sinundan din ng isang babaeng Singaporean.
Nanalo din ang Pilipinas ng Country Award dahil tayo ang may pinakamahabang pinagsamang oras na hinawakan ang kotse. $10,000 Singaporean dollars ang nakuha natin para dito.
Nais ninyo mag-comment o may reaction? Mag-email sa irie.panganiban@gmail.com