Foton Tornadoes habol ang ika-5 diretsong panalo sa PSL Grand Prix
Mga Laro Ngayon
(The Arena)
3 p.m. Cignal vs Foton
5 p.m. Petron vs F2 Logistics
7 p.m. Generika vsRC Cola-Army
Team Standings: Foton Tornadoes (4-0); Petron Tri-Activ Spikers (4-1); F2 Logistics Cargo Movers (3-2); Cignal HD Spikers (1-2); RC Cola-Army Troopers (1-3); Generika Lifesavers (0-5)
AGAD magbabalik sa giyera ang Foton Tornadoes na hindi kasama ang inaasahan nito na si Jaja Santiago sa pagsagupa sa Cignal HD Spikers sa 2016 Asics Philippine Superliga (PSL) Grand Prix hatid ng PLDT Home Ultera ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Agad na maghaharap alas-3 ng hapon ang nangungunang Foton at nakamit ang una nitong panalo na Cignal bago sundan ng salpukan sa pagitan ng Petron Tri-Activ Spikers at F2 Logistics Cargo Movers ganap na alas-5 ng hapon.
Huling magsasagupa ang Generika Lifesavers at ang RC Cola-Army Troopers sa ganap na alas-7 ng gabi.
Tinalo ng nagtatanggol na kampeon na Tornadoes ang dating nangungunang Tri-Activ Spikers pati ang import na si Stephanie Niemer sa loob ng limang set, 25-18, 23-25, 25-14, 19-25, 15-13, para sa ikaapat nitong sunod na panalo.
Itinala ni Niemer ang conference-high 38 puntos subalit hindi ito pinansin ng matinding net defense ng Tornadoes sa huling set upang ipreserba ang tanging malinis na kartada sa torneo.
Inokupahan ng Foton ang liderato sa 4-0 karta habang nahulog ang Petron sa 4-1 rekord.
Masusubok ang tatag ng Foton ngayong hapon sa pagkawala ng middle blocker na si Santiago na kasama sa biyahe ng National University para sa 12-araw na pagsasanay sa Japan.
“I prepared my players to play different positions and made some adjustments without Jaja,” sabi ni Foton coach Moro Branislav ng Serbia na agad naghanda sa rotation sa pansamantalang pagkawala ng 6-foot-5 na si Santiago.
“Maybe I will give a chance for Dindin (Manabat) to play middle (blocker). I will give her more important plays for next match.”
Nakamit naman ng Cignal ang una nitong panalo subalit kapalit ang injury sa import na si Lynda Morales.
Binigo ng Cignal sa loob ng limang set ang Generika, 22-25, 25-19, 21-25, 25-20, 16-14, upang pag-alabin ang kampanya kahit hindi na makakasama ang dating Puerto Rican national team skipper na si Morales na nagtamo ng kaliwang ankle sprain.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.