MINSAN pang pinatunayan ng Pambansang Kamao ang bangis ng kanyang mga suntok.
Hindi nasayang ang pagbiyahe sa Las Vegas ng mga kababayan nating mula pa sa malalayong lugar sa Amerika, nagkaroon ng saysay ang kanilang mga effort, dahil si Senador Manny Pacquiao na ngayon ang kampeon at mayhawak ng WBO Welterweight Division.
Sa unang dalawang rounds pa lang ay nagbubunyi na ang mga Pinoy sa Thomas & Mack Center at sa buong mundo, pinatikim niya agad ng pagbagsak si Jessie Vargas, ngumingiti pa ang boksingero pero mula sa puntong ‘yun ay nasira na ang mga atake nito.
Ibang klase pa rin ang kabangisan ni Pacman, kitang-kita sa kanyang mga galaw at ulos ang kagutuman sa kampeonato, kinopo na niya ang laban hanggang sa huli na nagbigay ng mantsa sa magandang kartada ni Vargas.
Siyempre’y pinatunayan din ni Pacman na ang edad ay numero lang. Sampung taon ang tanda niya kay Vargas pero ang kanyang mga galaw at upak ay mas masahol pa sa isang batang boksingero.
Tulad nang dati, hindi nawawala ang matinding pananampalataya ng Pambansang Kamao. Bago siya makipagsagupaan ay nagdarasal muna siya, humihingi ng patnubay sa Diyos, palagi niyang sinasabi na ang lahat ng lakas na meron siya ay bigay ng Panginoon.
Natupad ang kanyang pangarap na sana, bago siya magretiro ay makapagtatak siya sa kasaysayan ng kanyang mahal na propesyon bilang unang senador-boksingerong naging kampeon, dininig ng Diyos ang kanyang hiling.
Mabuhay si Pacman! Mabuhay ang sambayanang Pinoy!