ITATALA ni two-time champion Santy Barnachea ang sariling daan tungo sa pagsulat sa kasaysayan sa cycling sa pamumuno nito sa malaking pulutong ng mga karibal na nagnanais masungkit ang isa sa 30 nakatayang silya sa pagsikad ng una sa dalawang qualifying races ng LBC Ronda Pilipinas 2017 ngayong umaga sa Subic Bay Metropolitan Authority sa Zambales.
Ang 40-anyos na si Barnachea, na nagwagi sa unang edisyon ng karera limang taon na ang nakalipas bago iniuwi ang kanyang ikalawang titulo noong isang taon, ay kinailangan na dumaan sa qualifier matapos na hindi makasali ngayong taon dahil sa personal na rason at determinado itong makasikwat ng silya.
Gayunman, makikipag-agawan si Barnachea kontra sa mahigit na 80 riders na kinabibilangan ng mga kilala sa sport tulad ng mga miyembro ng Army na sina Merculio Ramos, Alfie Catalan, Cris Joven, Mark Julius Bordeos at Alvin Benosa pati na sa bagong rekruta ng Navy na si Jay Lampawog sa pinakamalaking cycling race sa bansa na itinataguyod ng LBC.
“Some of the biggest names in Philippine cycling are joining as well as some new ones who are seeking glory so we’re expecting a really exciting qualifying race,” sabi ni LBC sports development head Moe Chulani.
Maliban sa isang araw na Subic race, magsasagawa rin ang Ronda ng ikalawang qualifier sa Disyembre 4 sa Bacolod City kung saan dagdag na 30 silya ang paglalabanan sa karera na suportado ng Mitsubishi, Petron, ASG Group, Dans360 at Donen at may pahintulot ng PhilCycling sa ilalim ng pangulo nitong si Abraham “Bambol” Tolentino.
Umaasa ang organizers na mas marami ang sasali sa Bacolod matapos na magdesisyon itong muling ibalik ang premyo nito sa orihinal na P1 milyon.