ISANG boxing legend na hangad gumawa ng panibagong kasaysayan laban sa isang kampeon na naghahangad ng atensyon at pagkilala.
Ang multi-division world champion na si Manny Pacquiao ay pipiliting maging kauna-unahang nahalal na senador na makasungkit ng korona sa pagsagupa kay WBO welterweight titlist Jessie Vargas ngayon sa Thomas & Mack Center sa Las Vegas, Nevada, USA.
Ang three-time Fighter of the Year at reigning Fighter of the Decade (2000 hanggang 2009) na si Pacquiao ay isang 7-1 favorite para talunin si Vargas at angkinin ang 147-pound belt sa ikatlong pagkakataon sa kanyang makinang na 21-taong boxing career kung saan mayroon siyang 52 panalo, anim na talo at dalawang tabla.
Siguradong hindi makukuntento sa unanimous o split decision win si Pacquiao dahil marami ang nagnanais na makapagtala siya ng kanyang unang knockout matapos ang pitong taon at 11 laban.
Maging sina Pangulong Rodrigo Duterte, chief trainer Freddie Roach at asawang si Jinkee ay nagtutulak kay Pacquiao na umiskor ng knockout na muling maglalagay sa kanya sa pinakatuktok ng boxing.
At mukhang desidido rin si Pacquiao na maisagawa ito bunga na rin ng ipinakitang pagpapahirap kay Roach sa kanilang mitts sessions at paggalaw sa loob ng ring.