HUWAG palampasin ang Kapamilya actress na si Sue Ramirez na magbibigay buhay sa kuwento ng isang artist na nag-viral dahil sa nakaaantig na kuwento ng buhay nito sa Maalaala Mo Kaya ngayong gabi sa ABS-CBN.
Si Genesis (Sue) ay isang mapagmahal na anak na nagnanais maging artist gaya ng kanyang amang si Isco (Michael Flores). Punumpuno man ng kulay ang kanyang mga likha, kabaligtaran naman ito ng kanyang buhay.
Para sa kanyang inang si Emma (Sharmaine Arnaiz), walang saysay ang kanyang pagpipinta at sa halip ay mas magandang pagtuunan na lang ng pansin ang pag-aalaga sa kapatid niyang si Taking (Nash Aguas) na may epilepsy.
Upang maibsan ang sakit dinaranas, inilalabas ni Genesis ang lahat ng hinagpis sa pagpipinta, kaya naman malaking parte ng kanyang buhay ang bawat obrang kanyang nagagawa.
Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, nagkaroon ng malubhang sakit ang kanyang ina. Masakit man para kay Genesis, nagdesisyon siyang ibenta ang kanyang pinahahalagahang paintings upang tustusan ang pampaospital nito.
Makayanan nga kaya ni Genesis na suportahan ang kanyang pamilya? Madugtungan kaya ang buhay ng kanyang ina gamit ang kanyang paintings?
Abangan ang longest-running drama anthology sa Asya, ang MMK hosted by Charo Santos, tuwing Sabado ng gabi sa ABS-CBN.