Robin humingi ng tulong sa ABS-CBN para sa US visa; hahabol sa panganganak ni Mariel

ROBIN PADILLA AT MARIEL RODRIGUEZ

ROBIN PADILLA AT MARIEL RODRIGUEZ

KUNG pakikinggan at paniniwalaan ng US Embassy ang apela ng isang ABS-CBN executive, maaaring makahabol pa si Robin Padilla sa araw ng panganganak ni Mariel Rodriguez sa Amerika.

Sumulat ang isa sa mga opisyal ng Kapamilya Network na si Linggit Tan sa US Consul General para humingi ng appointment upang humingi ng “reconsideration” para sa US visa application ni Binoe na ilang beses nang na-deny.

Sa kanyang Instagram account, ipinost ni Robin ang ilang bahagi ng laman ng sulat ni Ms. Linggit, dito mababasa ang kanyang paniniguro na babalik at babalik si Binoe sa Pilipinas dahil kailangan pa nitong tuparin ang kanyang pinirmahang kontrata sa TV Network.

“This is to prove, on his behalf, that if given the chance to visit his family and assure the safety condition of Ms. Padilla and their child, he will come back and return to the Philippines to perform his obligation with our company, as we are having a television show featuring Mr. Padilla, this coming January 2017. I have also attached herewith, the summary of his travels outside the Philippines,” bahagi ng liham ng Kapamilya executive.

Nagsimulang mahirapang kumuha ng travel documents at visa sa ibang bansa si Binoe matapos ma-convict sa kasong possession of illegal firearms noong 1994.

Sa mga nakaraang post ni Binoe sa kanyang social media accounts, lagi nitong sinasabi na hindi pa rin siya nawawalan ng pag-asa na mabigyan ng US visa at makapunta sa Amerika para masamahan si Mariel sa panganganak nito.

Alam niyang hindi naman pababayaan ng kanyang pamilya si Mariel habang naroon sa US, pero iba pa rin daw kung magkasama silang mag-asawa na i-welcome sa mundo ang kanilang panganay.

Read more...