ILANG tulog at gising na lang at makikipag-upakan na uli ang Pambansang Kamao. Sabado nang gabi sa Amerika at Linggo naman nang umaga dito sa atin ang pagduduop nila sa ring ni Jessie Vargas.
Napakainit ng pagtanggap kay Senador Manny Pacquiao nang dumating siya sa Las Vegas, may mga kaibigan kaming lumiban pa sa trabaho para lang salubungin siya, paningit na rin ang pagpaparetrato sa tabi ng Pambansang Kamao.
Ibang klase talagang sumuporta ang mga Pinoy, ibang-iba sa maraming lahi, kapag kababayan na ang lumalaban ay gumagastos at nagbibigay ng oras ang mga Pinoy.
Biyernes pa lang nang gabi sa Amerika ay bibiyahe na ang mga kaibigan naming matagal nang naninirahan sa Los Angeles, magho-hotel na sila, para kinabukasan ay maaga silang makapuwesto sa Thomas & Mack Center kung saan gaganapin ang pagtutuos ni Pacman at ni Vargas.
Kuwento ni Jonjie Martinez ng Granada Hills, Los Angeles, kaibigan namin ni Col. Jude Estrada, “Kasama na sa buhay naming mga Pinoy dito sa LA ang pagsuporta kay Pacman tuwing may laban siya.
“Pinag-iipunan namin ‘yun, pinaghahandaan, wala kaming pinalalampas na laban ni Pacman.
Sinumpaan na naming tungkulin ‘yun!” masayang kuwento ni Jonjie.
At masarap bumiyahe sa Linggo nang umaga dahil walang trapik, liliban din sa ilegal nilang trabaho ang mga mandurukot, pahihintuin na naman ni Pacman ang ikot ng mundo ng mga Pilipino.
Isa lang ang magwawagi, isa lang ang papalarin, harinawang ang kanang kamay uli ng Pambansang Kamao ang itaas ng referee bilang kampeon ng buong mundo.