Sulat mula kay Mitch ng Centro, Mandaue City
Problema:
1. Dati na akong nag-Japan at nakapagtrabaho ako doon sa isang factory habang nagto-tourist tinulungan po ako ng pinsan ko na makapunta don. Kaya lang napauwi ako kasi na-expired ang visa ko. Sa ngayon balak kong bumalik uli sa tulong ng aking bayaw na isang Hapon, ayaw na kasi akong tulungan ng pinsan ko nagkatampuhan kasi kami.
2. Kaya lang mag iisang taon na akong nag-aayos ng mga papeles hanggang ngayon hindi pa rin ako nakakakuha ng visa. Itatanong ko lang kung may pag-asa pa kaya akong makabalik ng Japan? April 19, 1988 ang birthday ko.
Umaasa,
Mitch ng Mandue City
Solusyon/Analysis:
Astrology:
Ang zodiac sign mong Aries (Illustration 2.) ang nagsasabing isang kapwa mo rin babae ang tutulong sa iyo na may zodiac sign na Leo o kaya’y Sagittarius. Kung ganyan ang zodiac sign ninoman sa kapatid mo o sa pinsan mo o kahit na sino pa ang kakilala mo na nasa Japan, tulad ng nasabi na, siya ang tutulong sa iyo upang muling makabalik sa nasabing bansa.
Numerology:
Ang birth date mong 19 ay nagsasabing sa sandaling nakabalik ka uli sa Japan bilang pangalawang beses, tuloy-tuloy na uli, lagi ka ng makapagdya-Japan, hanggang sa tulad ng iyong pinsan at kapatid, makapag-aasawa ka na rin ng isang Hapon hanggang sa tuloy-tuloy ng yumaman.
Graphology/Luscher Color Test:
Upang magtuloy-tuloy ang suwerte sa pangingibang bansa, habaan mo ang pinaka-paa ng letrang “a” sa dulong bahagi ng iyong lagda. Sa mahabang pinaka-paa ng letang “a” tuloy-tuloy ka ng magtatagumpay sa larangan ng salapi at magiging maligaya sa larangan ng pag-ibig. Dagdag dito bukod sa kulay na pula mapalad ka rin sa kulay na dilaw, kung saan, lagi mong gamitin ang nasabing mga kulay.
Huling payo at paalala:
Mitch ayon sa iyong kapalaran, ituloy mo lang ang pagnanais na muling makabalik ng Japan, dahil pagbungad na pagbungad ng taong 2017 sa buwan ng Enero o kaya’y Pebrero, S sa edad mong 29 pataas, matutupad na ang matagal mo ng hinihintay at pinapangarap, sa ikalawang pagkakakataon may mas produktibo at mas masaganang padya-Japan na itatala sa iyong karanasan.