MAGBABALIKBAYAN ngayong darating na Kapaskuhan ang buong pamilya ng aming kaibigan mula sa London. Ilang taon din silang hindi nakauwi, pero nu’ng Pebrero pa lang ay nag-file na sila ng leave sa kanilang opisina, gusto nilang makaranas uli ng Pasko sa Pilipinas.
Ibang-iba nga naman kasi ang pagdiriwang ng Pasko sa ating bayan, walang katulad, lahat ay naghahanda para sa okasyong ito. Makapal man ang bulsa o manipis, ang mahalaga para sa ating mga Pinoy ay ang magkasama-sama, ang makumpleto ang buong pamilya.
Pero may isang hiling ang aming kaibigan, ngayon pa lang ay humihingi na ito ng pabor para sa teenager nitong anak, ang makita nang personal si Liza Soberano.
Mabilis kaming nakasagot dahil anak-anakan namin ang manager ng magandang young actress, hindi kami bibiguin ni Ogie Diaz, siguradong magkikita si Liza at ang anak ng aming kaibigan.
“Matagal na siyang tinututukan ng anak ko, gandang-ganda siya kay Liza Soberano, kaya nu’ng malaman niyang uuwi kami, pakiusapan daw kita na sana, e, makita niya nang personal si Liza,” kuwento ng aming kaibigan.
Ibang klase talaga ang charisma ng magandang young actress, siya ang idolo ng mga kabataan, siya ang kinakikiligan ng mga bagets.
Ang kagandahan ni Liza Soberano ay hindi puwedeng ikumpara sa iba, kanyang-kanya lang ‘yun, period.