North Cotabato gov sinuspinde ng Sandiganbayan
Leifbilly Begas - Bandera October 27, 2016 - 01:06 PM
Sinuspinde ng Sandiganbayan First Division si North Cotabato Gov. Emmylou Talino-Mendoza kaugnay ng kasong graft na kinakaharap nito.
“Wherefore, in light of all foregoing, the prosecution’s motion is hereby granted. As prayed for, accused Emmylou J. Talino-Mendoza is hereby suspended as Governor of the Province of North Cotabato, and from any other public office which they may now of hereafter be holding, for 90 days from the receipt of this resolution,” saad ng Sandiganbayan.
Ipadadala ang kopya ng resolusyon sa Department of Interior and Local Government na siyang magpapatupad nito.
Sa mosyon ng prosekusyon, sinabi nito na sa ilalim ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang sinumang opisyal o empleyado ng gobyerno na nasampahan ng valid information ay sususpendihin upang hindi niya maimpluwensyahan ang kaso.
Tinutulan ito ng kampo ni Mendoza.
Ang kaso ay kaugnay ng pagbili ng provincial government ng P2.4 milyong halaga ng diesel sa Talino Shell Station na pagmamay-ari ng ina ni Mendoza para sa dalawang araw na rehabilitation road project.
Hindi umano ito dumaan sa public bidding.
Depensa ni Mendoza ang gasolinahan ng kanyang ina ang may pinakamababang presyo at pinakamalapit sa lugar ng kinukumpuning kalsada. Ito lamang din umano ang pumayag na utangin ang diesel.
Sinabi rin ng Ombudsman na 552 litro ng diesel lamang ang naubos para sa maintenance project malayo sa 30,833 litro na binayaran ng provincial government.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending