Ika-12 panalo asinta ng La Salle

SEPTEMBER 28, 2016: Jeron Teng of La Salle attempts a layup against the defense of Wilson Bartolome and Renz Palma of UE. INQUIRER PHOTO/ Sherwin Vardeleon

Games Today 

(Araneta Coliseum)
2 p.m. La Salle vs UE
4 p.m. UP vs NU
Team Standings: La Salle (11-0); FEU (8-2); Ateneo (6-4); Adamson (5-5); NU (4-7); UST (3-8); UP (3-8); UE (2-8)
SA puntong ito ng elimination round ng UAAP Season 79 men’s basketball tournament ay wala nang gaano pang dapat patunayan ang nangungunang De La Salle Green Archers.
May 11-0 record ang La Salle at may twice-to-beat incentive na ito papasok sa Final Four.
Pero kung maipapanalo ng bataan ni coach Aldin Ayo ang huli nilang tatlong laban ay magtatapos ang Green Archers na may 14-0 record at awtomatiko itong uusad sa Finals.
“My players are feeling the pressure, but I keep on telling them to ward off the pressure with hard work.’’ sabi ni Ayo.
Noong 2007 ay na-sweep ng University of the East Red Warriors ang elims at agad na itong umakyat sa championship round habang ang sumunod na tatlong teams ay dumaan sa step-ladder semifinals.
Ngayong hapon ay may tsansa ang nangungulelat na Red Warriors na dungisan ang malinis na kartada ng La Salle sa kanilang paghaharap sa Araneta Coliseum umpisa alas-2 ng hapon.
May katiting na pag-asa pang makapasok sa semis ang UE pero kailangan nilang ipanalo ang kanilang nalalabing apat na laro umpisa sa La Salle ngayon.
Kasalukuyang dinodomina ng Green Archers ang liga.

Huling nanalo ang La Salle laban sa season host University of Santo Tomas na kanilang tinambakan ng 43 puntos, 99-56, nitong Linggo.
“We’re just focused at winning. Everything will be put to naught if we don’t win the championship,’’ dagdag pa ni Ayo.
Ang UE naman ay galing sa tatlong sunod na kabiguan laban sa Far Eastern University, Adamson at Ateneo at kasalukuyang na ilalim ng team standings na may 2-8 baraha.
“Our immediate goal is to crawl out of the hole. We got to be ready to compete and play with confidence,’’ sabi ni UE coach Derrick Pumaren.
Sa isa pang laro ngayon ay magsasagupa ang University of the Philippines Maroons at National University Bulldogs umpisa alas-4 ng hapon.
Galing sa 63-60 kabiguan ang UP kontra FEU Tamaraws pero kung maipapanalo rin nito ang mga nalalabing laban ay may tsansa makausad sa semis ang Maroons na huling nag-kampeon sa liga noon pang 1986.
“I told them to forget that game (versus FEU) and move forward. We just have to keep on playing hard and never give up,’’ sabi ni coach Bo Perasol ng UP na may 3-8 karta. —Angelito Oredo

PHOTO: INQUIRER

Read more...