Sulu gov, ama, kapatid sinuspinde ng Ombudsman

Ombudsman Morales

Ombudsman Morales

Sinuspinde ng Office of the Ombudsman si Sulu Gov. Abdusakur Tan II, kanyang ama na si Vice Gov. Abdusakur Tan, at kapatid na Maimbung Mayor Samier Abubakar Tan kaugnay ng paglabag sa  Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

     Sa anim na pahinang desisyon, sinabi ng Ombudsman na guilty si Vice Gov. Tan, at Mayor Tan sa hindi paghahain ng kani-kanilang mga statements of assets, liabilities, and net worth kasama si Lulus Mayor Al-Zhudurie L. Asmadun. Ilang beses umano itong naulit.
    “The OMB Certification dated 26 May 2016 confirms the respondents Vice Gov. Tan, Samier (Tan), and Al-Zhudurie failed to filed their SALNs on or before April 30 of every year as required [by law]. Considering the habituality of not filing their SALNs, this office hereby imposes the penalty of suspension from office without pay for a period of six months,” saad ng desisyon ng Ombudsman.
     Naghain umano si Vice Gov. Tan ng SALN noong 2012 at 2013 lamang pero noong 2001 pa siya nagsimulang manungkulan.
     Si Samier Tan naman ay naghain ng SALN noong 2012 hanggang 2014 pero wala noong 2010 at 2011. Si Al-Zhudurie naman ay hindi naghain ng SALN mula noong 2010 kung kailan siya pumasok sa gobyerno.
     Si Gov Tan II ay guilty naman sa simple neglect of duty matapos lumabas sa imbestigasyon ng Ombudsman na naghain ito ng SALN pero hindi niya ito pinanumpaan. Siya ay suspendido ng isang buwan.
      Dahil wala na gobyerno si Vice Gov. Tan matapos na matalo ng tumakbo sa pagkagubernador ng Autonomous Region in Muslim Mindanao noong Mayo, ang ipapataw na parusa sa kanya ay multa na kasing halaga ng kanyang anim na buwang sahod.
      Ang kaso ay kaugnay ng reklamong inihain ni Temogen Tulawie na tumakbo sa pagkagubernador ng Sulu subalit natalo kay Tan II noong Mayo.
     Ang Department of the Interior and Local Government ang inatasan na magpatupad ng kautusan ng Ombudsman.

Read more...