MAY FOREVER SA GINEBRA

ginebra champions

KUNG may isang ‘barangay’ sa Pilipinas na pinakasikat, ito na marahil ang Barangay Ginebra ng Philippine Basketball Association (PBA).

Hindi maitatanggi na noon pa mang dekada 1990s ay tinatangkilik at minamahal na ng masang Pilipino ang barangay Ginebra.

At bakit naman hindi? Mapabata man o matanda, mapababae man, lalaki o LGBT, mahirap man o mayaman, tambay man o may trabaho. Talagang buhos ang suporta sa tuwing may laban ang Ginebra.

Sa regular season, tanging Ginebra lamang ang nakapagpapapuno sa Big Dome. At kapag nakapasok ito sa Finals tulad ng katatapos na PBA Governors Cup, hanggang sa labasan ng Coliseum ay may nanonood ng Ginebra game sa giant TV screen.

Kaya naman nang nasungkit ng koponan ang una nitong titulo sa loob ng walong taon at pang-siyam na korona sa kabuuan (22 finals appearance) ay dumagundong hindi lamang ang Cubao kundi ang buong bansa.

Dinaig ng Gin Kings ang Meralco Bolts sa Finals, 4-2, upang hiranging kampeon ng 2016 PBA Governors’ Cup.

Binuhat ng import na si Justin Brownlee ang Kings sa tagumpay nang kanyang isalpak ang isang buzzer-beater na three-point shot na siyang nagpadagundong sa makasaysayang Big Dome. Sabay sabay na nagdiwang ang libu-libong deboto ng pinakatanyag na basketball team sa bansa. Bumuhos ang ngiti at luha dahil sa wakas, muling nagbalik ang mga hari.

Gi-neb-ra! Gi-neb-ra!

Isa si Charo Ann Francisco, guro mula sa lungsod Quezon, ang nagtiyaga sa mahabang pila makapanood lamang ng laro sa kabila ng mahigpit na schedule ng kanyang propesyon. ‘‘Kahit pagod pumunta talaga kami, ipinagdasal ko na mag-champion sila. Since I was 8, Gordon’s Gin pa lang sila nanonood na ako,’’ aniya.

‘‘Kahit ‘di makapagtrabaho basta makapanood ok lang,” ani Gerry Soliven na lumiban pa sa trabaho basta makapagbigay suporta lang sa kanyang paboritong koponan.

“Hindi lang basta libangan ‘to, nasa puso na ‘to, tagos sa puso. Mula pagkapanganak ko sumisigaw na ako ng Ginebra,’’ dagdag pa niya.

Jaworski charisma

Simula nang lumahok sa PBA noong 1979 bilang Gilbey’s Gin, unti unting gumawa ng pangalan ang franchise na ito sa kasaysayan ng Philippine basketball. Lalong sumikat ang koponan nang lumipat dito mula Toyota si Robert “Big J” Jaworski, ang tinaguriang ‘The Living Legend’ ng Philippine basketball.

Kasabay niyang sumapi sa Gins ang kakampi niya sa Toyota at kanyang backcourt partner na si Francis Arnaiz.

Maikukunsidera na ang pang-masang karisma ni Jaworski ang dahilan kung bakit naakit ng Ginebra ang simpatya ni Juan na nagbigay daan para maging ‘crowd darling’ sa bansang basketball ang numero unong palakasan.

‘‘Since birth Ginebra na ako dahil kay Jawo, pati mommy ko at daddy ko. Since 12 nanonood na ako sa Cuneta (Astrodome), may time pa nga na sumama ako sa isang out-of-town game sa Bacolod,’’ sabi ni Regine Gomez, nang tanungin ng BANDERA kung bakit niya gusto ang Ginebra.

“Higit pa siya sa isang team, parang pamilya na,’’ hirit pa ng ginang.

Ayon naman kay Michael Astejada, 43 taong gulang, bata pa lamang siya ay idolo na niya si Jawo.
“Ever since Toyota pa, kasi family namin diehard [Toyota fan] na tapos nung lumipat si Jawo ayun Ginebra na,” aniya.

Inalala rin niya ang pinakahindi malilimutang tagpo sa tagal na panahong panonood. Ito ay ang winning shot ni Rudy Distrito sa winner-take-all Game 7 ng Finals kontra Shell noong 1991 Open Conference.

Lumamang ng 3-1 sa serye ang Shell pero sa tulong ng Barangay Ginebra die-hards ay nanaig ang pinakasikat na koponan ng PBA.

Nagpatuloy na lumikha ng ingay ang Ginebra sa paglipas ng mga taon kahit nagpapalit-palit ito ng pangalan; Gilbey’s Gin (1979–81, 1982), St. George Whiskies (1981), Gilbey’s Gin Gimlets (1983), Gilbey’s Gin Tonics (1983–84), Ginebra San Miguel (1985–88, 1991–93, 1995–96, 1998), Añejo Rum 65ers (1988–90), Tondeña 65 Rhum Masters (1994), Gordon’s Gin Boars (1997–98), Barangay Ginebra Kings (1999–2012), at Barangay Ginebra San Miguel (2012–kasalukuyan).

Kahit na nagsipag-retiro o nawala na ang mga manlalarong bumuo ng ‘Ginebra fever’ tulad nina Jaworski, Arnaiz, Distrito, Chito Loyzaga, Dante Gonzalgo, Noli Locsin, Pido Jarencio, Terry Saldaña, Dondon Ampalayo, Vince Hizon, Allan Caidic, Bal David, Marlou Aquino, at Rudy Hatfield ay naipasa ito sa pagdating ng “The Fast and The Furious” tandem nina JJ Helterbrand at Mark Caguioa kasama pa si Erik Menk na mas pinakinang ng mga bagong dugo ng koponan na kasalukuyang binubuo nina LA Tenorio, Japeth Aguilar, Greg Slaughter, Chris Ellis, Joe Devance, Sol Mercado, Dave Marcelo, Aljon Mariano, Jervy Cruz, Nico Salva, Dennice Villamor, Franklin Bonifacio at ang rookie na si Earl Scottie Thompson.

Hindi maikakailang ang legacy ni Jaworski ay nag-iwan ng napakalaking marka sa bawat indibidwal na sumusunod sa Ginebra kaya naman kahit sino pang manlalaro na mapunta sa koponan ay lubos na minamahal ng madla.

“Panahon pa lang ni Jaworski fans na kami. Kinalakihan ko na ito na naipasa ko na sa mga anak ko. Siguro may magic talaga ang Ginebra kaya mula noon hanggang ngayon talagang suporta kami,” maligayang pagbabahagi ni German dela Cruz na nanggaling pa ng Laguna kasama ang dalawang anak.

“Simula nung nagkamalay ako Ginebra na ako, part na ng buhay ko yun eh. Every time na may laro gagawa ng paraan para makapanood ng games. Basta Ginebra magbago man player Ginebra pa rin kami,” nakangiting pahayag ni Sharon Palomas, isang auditor.

Sandaling ring nakakwentuhan ng BANDERA si Jeffrey Gabayan, 37 taong gulang. “Nasa puso na yan eh, kahit sino maging player ginebra na kami talaga. Since Anejo pa nung araw talagang all-out kami,” sabi ni Gabayan na nag-uumapaw ang galak kasama ang mga kaibigan.

“Kasi yung father ko mga lolo lola buong family ko ginebra na sinasama kami sa Araneta sa Ultra. Kasi siyempre na-influence ako ng parents ko kaya kahit magbago pa ng player diehard pa rin,” proud na ibinunyag ni Michael Edward de Castro na nagsimulang manood sapul 1993.

Pagsilang ng Never Say Die attitude

Noong Oktubre 22, 1985 sa isang laro kontra Northern Consolidated Cement, nasiko sa labi si Jaworski ni import Jeff Moore sa dulong bahagi ng second quarter. Dinala siya sa kalapit na Medical City upang gamutin ang sugat na nagresulta ng pitong tahi. Hindi nagpatinag si Jaworski sa nangyari bagkus ay bumalik siya sa bench at pagdating ng fourth quarter kung saan lamang ang NCC ng 15 patungo sa huling pitong minuto, pumasok sa sahig si Jaworski na siyang nagpatindig balahibo palakpakan at sigawan mula sa mga fans. Nakahabol ang Ginebra at tinalo ang gulat na gulat na NCC matapos umiskor ng come-from-behind victory.

Dito na nag-ugat ang ‘never say die’ spirit na naisalin ng naisalin hanggang sa maging opisyal na kasabihan ng koponan. Maging ang kanilang mga tagahanga ay dito humuhugot ng lakas na kanilang baun-baon sa pagharap sa mga hamon ng buhay.

“Nakita ko yung never say die bilang kasabihan ng buhay ko, lalo na sa mga pinagdaanan ko buhay,” sabi ni Pearl Rubis, isang aktibong miyembro ng isang fan base ng Ginebra.

Ganito rin ang paniniwala ni John Rupert Dionela, 23 taong gulang mula sa Caloocan na simula 2001 ay solid kabarangay na, “Siguro nakuha ko sa kanila yung pagiging palaban sa loob at labas ng court na kahit pa parang llamado kalaban lalaban pa rin, sa huli mananalo pa rin basta ibigay mo yung puso at lahat ng lakas mo.”

Dahil naman sa pagtangkilik sa Ginebra, mas lalong naging ganado si Frank Leo Aniscal, na pagbutihin ang propesyon bilang isang journalist. “Unti-unting natutupad ang mga pangarap ko,” ani 23-anyos na manunulat.

“Yung spirit nila naia-apply ko sa real life, sa trabaho sa araw-araw na ginagawa,” kwento pa ni Michael Edward.

Para naman kay Mang German, isang inspirasyon na makitang lumalaban ang koponan hanggang sa huli. “Nagpapasaya siya ng pakiramdam sa kabila ng mga problema.”

Kapag nananalo at natatalo ang Ginebra

Matindi rin ang epekto sa kanila sa tuwing nananalo o natatalo ang Ginebra.

‘‘Kapag panalo masarap ang ulam namin, kapag talo wala kaming almusal tsaka mainit ulo ng mga tao sa amin’’, pabirong paglalahad ni Astejada.

Hindi naman agad maka-move on si Gabayan tuwing natatalo ang Ginebra. “Hindi ako nakakatulog at nakakakain tapos malungkot na malungkot, nahihiya rin ako lumabas ng bahay kasi nakakantyawan ako.’’ Pero kapag panalo, ‘’Naku parang tumama sa lotto,” natatawa niyang pagbulalas.

Binuhay pa nga ng isang netizen ang kanta ni Gary Granada na agad tumabo ng milyong views at libu-libong likes at shares sa social media. Sa video makikita kung gaano kaapektado si Maria Gracia Gonzales sa kanyang bersyon na ‘Sana manalo ang Ginebra,’ na hango mula sa 90s song ni Granada para sa tanyag na ballclub.

“Nakakadisappoint at nakakalungkot pag natatalo. Ang hirap matulog sa gabing natatalo ang barangay. Masakit lalo pag naupset lang yung malaki na lamang pero wala eh bilog ang bola eh. Pag nananalo naman siyempre sobrang saya parang lahat nagbubunyi, parang piyesta sa lugar namin at parang pasko naman sa bahay,” inspiradong tugon naman ni Dionela.

“Tuwing nananalo,sobrang saya na tipong maganda magiging mood hanggang kinabukasan. Pero pag natatalo, malungkot na naiinis. pero palaging nasa isip yung bawi na lang next game,” dagdag naman ni Aniscal na 15 taon nang diehard.

Namanang Tradisyon

Kung tutuusin, isang tradisyon na ng pamilya ang pagiging fan ng Ginebra. Sa lahat kasi ng nakapanayam ng BANDERA ay lumalabas na 100% – kung hindi namana ay malaking impluwensya mula sa mga kaanak ang nagtulak sa kanila na maging masugid na tagahanga rin. Kaya hindi kataka-taka na maging ang mga ‘millenials’ ay tutok rin sa pag-cheer sa Kings.

Idagdag niyo sa listahan si JC Catajumbre, 13 taong gulang na lumuwas pa mula sa Bulacan kasama ang kanyang ama suot suot ang Ginebra jersey. “Nahawa lang po ako sa father ko at sa mga tito ko,” aniya.

“Yung mga lolo ko po kasi dati talagang ginebra fan sila and dati wala akong pakialam sa team but nung nag-start na ako manood dahil sa mga kuya ko, tito ko dun na ako nagging fan,” kwento naman ng 15 taong gulang na si Maxilene Joyce de Castro na sa murang edad ay aktibo rin sa kinabibilangang fans club.

Saad naman ni ‘Admin Tan’, 18-anyos ng Team NSD, “Father ko kasi diehard fan kaya namana ko na. Iba yung dating ng Ginebra manalo, matalo doon mo makikita yung parang isang pamilya.”

‘’Since grade one ako, fan na ako ng Ginebra six years old pa lang ako nun dahil na rin sa tatay ko, tito at kuya ko tapos ayun hanggang ngayon NSD pa rin!’’ masayang pagbabagi naman ni Raphael Erwin, 16-anyos na isang senior high school.

Para kina JC, Maxilene, Admin Tan at Raphael na pare-parehong estudyante, nagkakasundo sila sa isang bagay: Ang never say die attitude ng Ginebra ang nagsisilbing motibasyon upang pagbutihin ang pag-aaral upang makamit ang mga pangarap sa buhay.

Read more...