UAAP Final Four playoff asinta ng FEU Tamaraws

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
2 p.m. FEU vs UP
4 p.m. UE vs Adamson
Team Standings: La Salle (10-0); FEU (7-2); Ateneo (5-4); Adamson (4-5); NU (4-6); UP (3-7); UST (3-7); UE (2-7)

TATANGKAIN ng nagtatanggol na kampeong Far Eastern University Tamaraws na masungkit ang playoff spot para sa semifinals sa pagsagupa nito sa University of the Philippines Fighting Maroons sa tampok na laro sa UAAP Season 79 men’s basketball sa Smart Araneta Coliseum.

Agad na magsasagupa alas-2 ng hapon ang naghahangad sa ikawalong panalo na Tamaraws at ang patuloy na nagpapakitang-gilas na Fighting Maroons bago sundan ng salpukan sa pagitan ng magkapatid na Franz at Derick Pumaren sa paghaharap ng Adamson University Soaring Falcons at University of the East Red Warriors alas-4 ng hapon.

Hindi pa nakakalasap ng kabiguan ang FEU sapul na huling mabigo kontra Ateneo de Manila University Blue Eagles, 71-76, noong Setyembre 14 kung saan nagawa nitong magtala ng anim na sunod na panalo na ang pinakahuli ay kontra season host University of Santo Tomas Growling Tigers, 59-48.

Bitbit ng Tamaraws ang kabuuang 7-2 panalo-talong kartada kung saan sakaling makamit nito ang ikawalong panalo ay makakasiguro na ito ng tsansa para lumaban para sa natitirang tatlong silya sa semifinals matapos agad na okupahan ng De La Salle University Green Archers ang isang silya bunga ng malinis nitong 10-0 karta sa liga.

Muli naman nakalasap ng kabiguan ang Fighting Maroons sa mga kamay ng Green Archers, 72-78, na nagdulot dito ng napakahigpit na tsansang makaagaw ng silya sa Final Four bunga ng hawak na 3-7 panalo-talong kartada.

Puwersado ang UP na ipanalo ang lahat ng apat nitong natitirang laban habang aasa ito na mabigo ang mga nasa unahang koponan upang makahablot ng huling pagkakataon para makatuntong sa semifinals.
Nagwagi naman ang FEU sa kanilang unang paghaharap ng UP, 51-49.

Kapwa naman magpipilit makabangon sa magkahiwalay na nalasap na kabiguan ang UE at Adamson sa ikalawa nitong paghaharap. Matatandaan na binigo ng UE ang Adamson sa kanilang unang paghaharap, 64-57, para putulin ang anim na sunod na kabiguan.

Pilit puputulin ng Adamson ang tatlong sunod na kabiguan matapos na mabigo sa unang dalawang laro nito sa ikalawang ikot ng labanan kontra La Salle, 79-86, at UP, 66-70, na naghulog dito sa peligrosong ikaapat na puwesto sa kabuuang 4-5 panalo-talong karta.

Naputol din ang dalawang sunod na panalo ng UE matapos itong biguin ng Ateneo, 61-75.

Read more...