AYON sa PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration), ang malamig na hanging dumadampi sa atin sa paglabas natin ng bahay sa umaga ay “hanging Pasko.” Pasko na nga ang ilang nagaganap sa paligid, tulad ng pagbibigay ng Christmas bonus ng ilang local government unit sa Metro Manila. Pero, tuloy ba ang Pasko mo? Masagana pa rin ba yan sa kabila ng kakaramput na bonus (ayon sa pag-aaral ng isang cause-oriented group, kailangang P15,000 ang bonus ng karaniwang manggagawa sa Metro Manila para kahit paano ay may mabibili siya sa Pasko)? O baka naman simula nang tanggapin mo ang bonus hanggang Pasko ay mahigit P1,000 ang mapunta sa load ng cellphone mo, nang di mo nakukuwenta at namamalayan? Magtabi ka naman para sa mga gamot mo, kahit vitamins lang yan. Kawawa ka naman. Isang taon kang kumayod. O baka naman malaking halaga ang mapupunta sa alak, sigarilyo, sine, pampaganda, pabango, silver at iba pang kalayawan? Tama ka. Mahirap gastahin ang kakaramput na pera. Masakit sa ulo ang mag-budget. At mas lalong masakit isipin kung paano mo mapagkakasya ang maliit na bonus ng LGU simula ngayon hanggang Pasko. Gayunpaman, kailangang maging matatag dahil may pera man o wala, o kulang, tuloy nga ang Pasko.
LITO BAUTISTA, Executive Editor
BANDERA, 110509