BIR Commisioner, may kahihiyan

NAGBITIW sa kanyang tungkulin si Sixto Esquivias bilang commissioner ng Bureau of Internal Revenue (BIR) dahil nahihiya raw siya na di niya naabot ang target collection ng BIR this year. Mabuti pa si Esquivias, may kahihiyan. Di siya kagaya ng kanyang among si Pangulong Gloria na ayaw nang umalis sa puwesto.

* * *

Disente pala itong si Esquivias dahil marunong mahiya. Si GMA, walang pakialam kung anong sabihin ng taumbayan sa kanya. Nang malantad ang kanyang pandaraya noong 2004 presidential election, hindi umalis si Gloria sa puwesto. Bagkus ay kumapit siya ng mahigpit sa kanyang puwesto at inutusan niya ang kanyang mga alipores sa Kamara na ipasa ang panukalang batas na magtatag sana ng Constitutional Assembly (Con-Ass) o Constitutional Convention (Con-Con). Ang balak niya ay maging prime minister sa parliamentary form of government na siguradong sasang-ayunan ng karamihan ng mga miyembro ng Kamara kung napasa ito. May mga ugong-ugong na magdedeklara si GMA ng martial law na gaya ng ginawa ni Pangulong Marcos upang tumagal siya sa puwesto. Ganoon kawalanghiya ang ating mahal na Pangulo.

* * *

Sa totoo lang, kung totohanin ng BIR ang tax collection at mapupunta lahat sa gobyerno ang nakolekta nito, lalampas sa yearly collection target ang BIR. Pero maraming kawatan sa premier tax collection agency ng ating gobyerno. Isang taga BIR, na nagsasabi na malinis siya, ang nagsalita tungkol sa kawalanghiyaan ng kanyang mga kasamahan. Sabi ng aking BIR informant, mga 40 percent lang ang napupunta sa kaban ng bayan ang kinokolekta ng BIR. The remaining 60 percent ay napupunta sa bulsa ng mga opisyal at empleyado ng BIR. Yan ay conservative estimate ng aking espiya. Ang sabi niya, kapag ginawa niyang rough estimate ang ninanakaw ng mga kawatan sa BIR, mga 20 percent lang ang napupunta sa gobyerno, at 80 percent sa mga kawatan na opisyal at empleyado. Kawawa talaga si Juan de la Cruz. Ang kanyang ibinabayad na buwis ay napupunta lang sa mga kawatan.

* * *

Kapag tinotoo ng mga opisyal at empleyado ng BIR ang tax collection, di na raw sana kinailangang ipasa ng Kamara ang Expanded Value Added (E-VAT) tax. Ang E-VAT ay nagpapataw ng buwis na 12 percent sa lahat ng halaga ng bilihin at serbisyo. Kinailangan na ipasa ang E-VAT dahil kulang daw ang koleksyon ng gobyerno. Pero kung wala yung tinatawag na “SOP” o nakawan at lagayan sa gobyerno, sobra-sobra ang makukolektang buwis sa mga mamamayan.

* * *

Siyempre, kasama na sa bahagi ng SOP ang mga ginagastos ng ating mahal na Pangulo kapag siya ay bumiyahe sa ibang bansa. Kasama na rin yung ibinayad na P1 million bill sa isang French restaurant sa New York nang kumain si GMA at ang kanyang mga alipores sa nasabing restoran. Kaya nga ayaw ni GMA na umalis sa puwesto dahil masyado siyang nasasarapan sa kapangyarihan at ang mga kasamang biyaya.

* * *

Inamin ni Mayor Leoncio Saldivar III na dalawa sa mga miyembro ng Alvin Flores Gang na sangkot sa mga holdup sa bangko at malls sa Metro Manila ay kanyang mga tauhan. Pero sinabi niya na wala siyang kinalaman sa mga pinaggagawa ng kanyang dalawang tauhan. Mahina ang iyong utak kapag naniwala ka kay Mayor Saldivar.

* * *

Di mo ba napapansin na kapag malapit na ang eleksyon, maraming holdup sa mga bangko at malalaking business establishments? Bakit? Dahil may mga politiko na kailangang matustusan ang kanilang mga kampanya. Malay natin kung isa sa mga politikong yun ay si Saldivar. Sa kanyang pagmumukha pa lang, na inilathala ng isang peryodiko, hindi kagalang-galang ang kanyang anyo.

Mon Tulfo, Target ni Tulfo

BANDERA, 110509

Read more...