Mamasko sa kandidato

PERA? Puwede.
Grocery?  Oo.
Regalo? Oo.
Pasko? Tama!
Ito’y “kamag-anak” ng Bandera Blog hinggil sa mga regalo ng kandidato’t politiko na babawiin nila sa Mayo, siyempre, mula sa boto mo.
Pero, tila puwede ngang mamudmod ng pera, grocery at regalo ang mga kandidato, na maghahain ng kanilang kandidatura ngayong buwan o sa unang linggo ng Disyembre.  Mas lalong puwedeng mangaroling sa mga kandidato sa Disyembre dahil ito’y kapaskuhan, mismo.  Puwedeng kuning ninong at ninang ang mga kandidato at (oops) huthutan sila ng mga regalo.  Tutal, kailangang maging galante sila ngayong Pasko, ang panahon ng regalo at lumang kaugalian ng pagbibigay ng aginaldo, pera man o hindi (pero mas makabubuting perahin na lang?)
Base sa desisyon ng Korte Suprema, sa kaso ni Mayor Jejomar Binay, maaari at malayang makapagreregalo ang kandidato na naninilbihan pa rin sa gobyerno dahil sakop pa ng kanyang opisyal na termino ang kapaskuhan.  Kinatugan ng mataas na hukuman ang nakagawian, ang tradisyon, na sinimulan ng ating mga ninuno at minana lamang nating mga buhay sa kanila.  Hindi puwedeng pigilin ng Omnibus Election Code ang pamumudmod ng regalo sa kapaskuhan.
Pero, merong “subalit at datapwa’t” sa desisyon ng Korte Suprema.  At sana’y magsilbing gabay ito sa ating tatanggap ng regalo sa mga kandidato o mamamasko sa politiko.
Dapat, ang mga ibibigay at regalo ng kandidato at may sapat na dokumento ng appropriations at dumaan sa legal na procurement.
Limiin ang mahalagang “subalit at datapwa’t” na ito ng desisyon.  Kailangang suriin natin ang kanilang regalo o aginaldo.
Kung ang regalo’t aginaldo ng mga kandidato ay suportado ng mga dokumento, sa malamang, pera rin natin ang ibinili sa mga ito mula sa sari-saring buwis na ating ibinayad, tuwiran man o hindi (direct and indirect taxes).
Talagang ganoon na nga ba ang mga kandidato?  Matsing?  Mahirap paglalangan pero mas madalas tayo ang pinaglalalangan?
Ganoon na ba kababaw ang ating isipan?  Na sa dami ng regalong darating mula sa kanila ay yun din ang dami ng botong inaasahan nila sa atin?  At sapilitang kukunin sa atin, kung di natin sila paglalalangan naman pagdating ng panahon?  Pagdating ng Mayo?

BANDERA Editorial, 110509

Read more...