PINAGKUKUWENTUHAN si Kris Aquino isang gabi sa umpukan ng mga walang kuneksiyon sa showbiz. Pero alam nila ang mga nangyayari sa kasalukuyang sitwasyon ng aktres-TV host.
May social media kasi, du’n nila nalalaman ang mga kaganapan, kaya sa kanilang pagkikita-kita ay isa si Kris sa kanilang meryenda.
Pero may punto ang mag-aamiga, bakit hindi na lang muna magpalipas ng panahon si Kris, tutal naman ay may kapasidad siyang mamahinga na lang muna sa ibang bansa na kasama ang kanyang mga anak?
Palipasin daw muna ni Kris ang kaalatan ng kanyang career, meron naman siyang talentong puwedeng maipagmalaki sa kanyang pagbabalik, kesa sa ganyan na hindi malaman ng publiko kung saan na ba siya mapapanood?
Tama rin ang kanilang ideya na kailangang magpasabik ni Kris, umalis daw muna siya nang matagal-tagal na panahon, dahil siguradong sa kanyang pagbabalik ay sabik na sabik na sa kanya ang manonood.
Pero hindi nga kasi ‘yun si Kris. Hindi siya makapapayag na magkaroon ng puwang ang kanyang career.
Kailangang nakikita siya, dapat siyang napapanood, dahil ang pinaniniwalaan ng aktres-TV host ay makakalimutan na siya nang tuluyan kapag nawala at nagpahinga siya.
Kaya ayan, sukdang kung anu-ano na ang sinasabi sa kanya ng mga netizens ay tinitiis lang niya, wala siyang pakialam dahil ang pinakamahalaga para kay Kris Aquino ay ang makakita uli ng network kung saan siya uli magrereyna.