SOBRANG daming reklamo ang nasasagap ko ngayon sa aking social media tungkol sa malalang kondisyon ng trapiko sa bansa. At hindi lang ito sa Metro Manila kundi pati na rin sa ibang mga siyudad tulad ng Cebu, Davao, Baguio, Cabanatuan, Iloilo at iba pa.
Madalas na tanong sa akin ay kung may solusyon pa ba ang trapikong ito o talagang magdurusa na lamang tayo sa sobrang gulo at sikip ng daloy ng mga sasakyan sa lansangan.
Ang ganang sa akin ay kung may problema, laging may solusyon. Hindi nagbibigay ang Panginoon ng problema sa atin nang walang kasamang solusyon. Kailangan lang nating hanapin ito.
Pero sa kaso ng masikip na trapiko, nasa harap na natin ang solusyon, masyado lang sigurong mahirap gawin kaya walang nangyayari.
Ang solusyon ay nasa sa atin na rin. Ang tawag dito ay disiplina at pagsunod sa batas trapiko.
Tayong mga drayber ang kabuhayan, mga nagmamaneho ng taxi, jeep, bus, tricycle at traysikad, tayo ang tunay na ugat ng problema. Sa sobrang kamamadali natin na makakuha ng pasahero, nilalabag natin ang tamang paraan ng pagmamaneho para makauna tayo.
Tayong mga pasahero na hindi marunong pumila at maghintay, kaya kung saan-saan tayo sumasakay at bumababa. Nakikipag-unahan sa sakayan, kakati-ting na distansiya ay ayaw lakarin at sasakay pa ng jeep o tricycle.
Tayong mga pribadong motorista na ayaw sumunod sa batas trapiko, laging lumulusot sa coding, bumibili ng dagdag na sasakyan kahit bulok na second hand maikutan lang ang coding, at hindi marunong magbigay sa mga kapwa motorista.
Tayong mga traffic enforcer na imbes na ayusin ang trapik ay magtitipon sa kanto at maghuhuntahan, o kaya ay magaabang ng mabibiktima, o kaya ay kakaway-kaway sa mga dumadaang sasakyan kahit alam nilang walang silbi ang ginagawa nila.
Tayong mga mayor at konsehal at barangay officials na patuloy na pinababayaan na gawing parking lot, opisina, punerarya, vulcanizing, tindahan, at kung ano-ano pa ang mga lansangan at sidewalk imbes na ayusin para sa pedestrian ang sicdewalk at sasakyan ang lansangan.
Tayo po ang may kasalanan kung bakit ma-gulo ang trapiko natin at naiipit po tayo ng ilang oras sa lansangan.
Kung gagawin lang natin ang dapat nating gawin, sumunod sa batas trapiko, linisin ang lansangan, maglakad kung malapit lang, siguradong luluwag ang lansangan para sa sasakyan at tao.
Auto Trivia: Ang “Hazard Lights” ay ginagamit lamang kapag ang sasakyan ay nasira o nabangga at kailangan huminto sa gitna ng kalye. Ito ay upang ipaalam sa ibang motorista na nakahinto ang sasakyan at kailangang iwasan. Huwag gamitin ang hazard lights kung malakas ang ulan o mababa ang visibility. Buksan na lang ang inyong ilaw para kayo ay makita ng ibang sasakyan. Ma-gagamit niyo pa ang turn lights ninyo para ipaalam kung anong direksiyon kayo liliko.
May reaksiyon, violent reaction or comments? Sumulat sa [email protected] o kaya ay mag-text sa 09163025071 o sa 09999858606
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.