Lima sa mga inmate na ipinatawag ng House committee on justice kaugnay ng bentahan ng ipinagbabawal na gamot sa New Bilibid Prison ay mayroong aplikasyon upang makakuha ng pardon o executive clemency.
Kaya dapat umanong magbantay ang publiko ayon kay Magdalo Rep. Gary Alejano dahil maaaring ibigay ito bilang ‘reward’ sa kanilang pagtestigo sa pagdinig kung saan idiniin si Sen. Leila de Lima, dating kalihim ng Department of Justice.
Sinabi ni Alejano na sumulat siya sa Board of Pardon and Parole noong Oktobre 11 kung mayroong aplikasyon ang mga inmate na pinadalo sa pagdinig.
Sa sagot ng BPP, sinabi nito na mayroong aplikasyon sina Engelberto Durano, Nonilo Arile, Jaime Patio, Jojo Baligad, at Vicente Sy.
“Tinanong ko ho ito dahil puwede itong gawing reward sa kanila dahil nag-testify sila, binigyan sila ng immunity, witness protection,” ani Alejano. “Bantayan ho natin ito dahil five out of the 12, anytime baka biglang lumaya ang mga ito.”
Ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman maaaring tumaas ang posibilidad na maibigay ang hiling ng mga ito sa kanilang pagtestigo laban kay de Lima.
“Itong applications will be enhanced by their cooperation in giving their testimonies. Ito ang posibleng ticket nila to freedom,” ani Lagman.
Ipinaalala naman ni Akbayan Rep. Tom Villarin na ang mga aplikasyong ito ay mapupunta sa tanggapan ni Pangulong Duterte na lantarang bumabatikos kay de Lima.
MOST READ
LATEST STORIES