Female personality inuuna ang pakikipag-away sa bashers kesa sa trabaho

 

PARANG OA na ang dating ng kuwento, pero maraming nagpapatotoo, na hanggang sa backstage ng mga shows ng kanyang grupo ay sa social media pa rin tutok na tutok ang isang sexy female personality.

Masyado na raw praning ang babaeng personalidad, lahat na lang ay sinasagut-sagot niya, tinatawag na raw ang kanyang pangalan para pumagitna sa entablado pero nasa social media pa rin ang kanyang utak.

Totoo bang naiinis na rin ang mga miyembro ng kanyang grupo dahil napapabayaan na niya ang mga ito? Mas inuuna pa kuno kasi ng female personality ang pakikipag-away sa kung sinu-sino kesa sa asikasuhin ang kanyang mga katropa.

“Sobrang OA na pala talaga ang babaeng ‘yun! Imagine, habang bumibiyahe sila papunta sa venue ng show nila, e, nakadukdok na ang ulo niya sa social media. Abalang-abala siya sa paghahanap ng makakaaway!

“Pagdating nila sa venue, ganu’n pa rin siya, hindi binibitiwan ang mga gadgets niya, tuldok pa rin siya ng tuldok, na para bang wala nang bukas pa!

“Hanggang sa backstage, ‘yun pa rin ang inaatupag niya, ano bang rehe-rehearsal kayo d’yan, wala na siyang panahon sa ganu’n ngayon dahil ang mas gusto niyang gawin, e, ang makipag-away sa mga itinuturing niyang bashers!” kuwento ng aming source.

Hindi na nakapagtataka ngayon kung bakit palaging ang mga kagrupo na lang niya ang hataw nang hataw sa stage, labas-pasok na lang siya sa production number, kasi nga ay naliligaw na siya sa mga steps ng grupo.

Huling sultada ng aming impormante, “Sobrang adiktus na siya sa social media, ‘yun na lang ang pinagkakaabalahan niya ngayon. Wala na yata siyang keber sa career niya, nakakaloka siya!

“Naku, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, isa lang ang siguradong sasabihin n’yo kapag nakita n’yo ang praning nang babaeng ito, ‘Mukha mo’!”

Read more...