Ai Ai binigyan ng Papal Award, nakatakdang makilala nang personal ang Santo Papa

 

PAPAL awardee na si Ai Ai delas Alas. Sa birthday niya mismo sa Nov. 11 igagawad ang Solemn Investiture Papal Award Pro Ecclesia et Pontifice na gaganapin sa Cathedral of the Good Shepherd sa Regalado Avenue, Novaliches, Quezon City.

Nagpa-Thanksgiving Mas si Ai Ai kahapon sa Victorono’s resto kung saan si Bishop Antonio Tobias ang nag-officiate kasama ang mga kaibigang pari na si Fr. Allan Samonte, Father Erick Santos at Brother/TV host Michael Angelo (MA).

Sa showbiz, sila ni Ryan Cayabyab ang tanging nagawaran ng ganitong award. Magiging parte na siya ng Papal household at mabibigyan ng invitation sa activities ng Santo Papa sa Vatican. After na igawad ang Papa medal, nakatakdang pumasyal ni Ai sa Santo Papa upang personal na magpasalamat.

“Sinasabi namin sa kanya, itong award na ito ay tinatanggap hindi bilang pagmamalaki kungdi ng buong pagpapakumbaba dahil hindi tayo karapat-dapat, binigyan siya nito. Pero alam naman nating si Ai Ai kasi ay hindi lang artista. Alam niyang mas mahalaga ang pananampalataya niya at pagmamahal sa simbahan at sa Panginoong Hesukristo,” paliwanag ni MA.

“Tingin ko may plano si Lord sa akin na mas palawakin pa ‘yung gusto niyang gawin ko sa simbahan. Sa charity. Hindi ko alam. Basta susunod na lang ako,” saad ng Comedy Queen.

Aminado siya na isang malaking challenge ang maging Papal Awardee, “Siyempre, hindi naman lahat ng tao maiintindihan ito at hindi naman lahat…hindi naman ako perpekto. Marami rin akong pinagdaanan. Marami akong kasalanan!

“Kanina nga, doon sa sharing namin, sinabi namin is, ang church is a church of second chances. Maraming binibigay ang simbahan na pagpapatawad sa mga taong kagaya ko na hindi perpekto at nagkakasala,” rason ng Comedy Queen.

“Marami akong kahinaan. Marami akong ups and downs. Bukas ang buhay ko. Alam ninyo namang…marami kasi palang bagay-bagay bago mo matanggap ‘yan. Kumbaga, maraming proseso,” dagdag pa niya.

Malaki raw ang nabago sa kanya. Marami rin siyang igi-give up. “Kailangang maging celibate ako hangga’t hindi pa kami kinakasal ni Gerald. Sinimulan na namin ‘yon nang matanggap ko ang award na ito,” sabi ni Ai.

Ano ang sabi ni Gerald na tigil na sila sa sex hangga’t hindi pa sila kinakasal? “Niloloko niya ako. ‘Ako kaya ang bigyan mo ng Papal award dahil mahirap!’ Ha! Ha! Ha!

“Matured naman niyang tinanggap. Sabi niya, ‘Hindi kita minahal dahil doon! Marami pang bagay na minahal kita. Hindi lang ‘yon. Mamahalin pa kita!’” tugon ni Ai Ai.

Baka mapadali ang kasal nila, “Minamadali na nga niya. Nagsu-solicit na siya sa friends niya! Ha! Ha! Ha!” sey ni Ai.

Sa ibang banda, ibinalita ni Ai Ai na closing film ang movie niyang “Area” sa QCinema International Film Festival ngayong Sabado, Okt. 22 at mapapanood sa Nov. 9.

Tapos na rin ang shooting niya ng “Our Mighty Yaya” and hoping na mapipili ito sa 2016 MMFF.

Read more...