TULUYANG inangkin ng Mapua Red Robins ang una nitong korona matapos ang 16 taon na paghihintay sa pagputol sa dominasyon ng San Beda Red Cubs sa pagtakas ng 84-67 panalo sa matira-matibay na Game 3 ng NCAA Season 92 junior basketball tournament Biyernes ng hapon sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Nagawang ipamalas ng Red Robins ang killer instinct na hindi nito nagawa sa Game Two upang wakasan ang pamamayagpag sa kampeonato ng Red Cubs sa pagtala ng 2-1 panalo sa kanilang serye at tapusin ang 16 taon na pagkauhaw sa titulo sa pinakamatandang liga sa bansa.
Pinamunuan ni Brian Lacap ang Mapua sa pagtala ng 16 puntos habang isinelebra ni Clint Escamis ang kanyang ika-16 taong kaarawan sa paghulog ng 14 puntos upang itulak ang Red Robins sa pagselyo sa una nitong korona sapul na iuwi ang huling tropeo ng koponan may 16 taon na ang nakakaraan at putulin ang pitong taong paghahari ng San Beda.
Ang titulo ay ika-20 pangkalahatan ng Mapua na kulang na lamang ng dalawa sa rekord na hawak ng San Beda na may kabuuang 22 korona.
Ito naman ang unang kampeonato ni Randy Alcantara bilang coach ng Red Robins bagaman mayroon na itong napagwagian na dalawang NCAA title bilang parte ng Mapua na nagwagi ng back-to-back noong 1990-91 season.
Nag-ambag si Bryan Samudio, na nasa kanyang huling taon, ng kabuuang 13 puntos kabilang ang walo sa ikaapat na yugto upang tanghalin na Finals MVP.
Nakabawi rin ang Mapua sa kanilang kabiguan sa kampeonato sa San Beda dalawang taon na ang nakaraan kung saan halos abot kamay na nito ang korona matapos magwagi sa Game One subalit nabigo sa krusyal na huling dalawang laban.