Pinay OFWs sa HK ipinahamak ng mga BFs

APAT na insidente sa Hong Kong ang napaulat na gumagamit ng postal system doon para makapagpasok ng mga ilegal na droga. Dalawa sa kasong ito ang nagsasangkot sa ating mga Pinay OFW.

Nakakita ng bagong modus ang mga African boyfriend ng ilan nating OFW, na matapos nilang kaibiganin hanggang maging karelasyon ang mga Pinay, ay gagamitin nila sa ilegal na gawain.

Siyempre kasama na rin doon na hihingin nila ang ilang personal na impormasyon ng kanilang mga girlfriend, kasama na ang kanilang address sa Hong Kong.

Ito ngayon ang sinubukang gamitin ng mga sindikatong ito.

Nagpadala sila ng package sa naturang address ng Pinay OFW. Pero natural lamang na anumang sulat o package na ipapasok sa bahay, tanging mga amo muna ang siyang dapat magbubukas noon. Kung iyon ay para sa ating OFW, ang mismong employer ang siyang mag-aabot sa kanilang domestic helper.

Dahil diyan, nahaharap ngayon sa kasong drug trafficking ang OFW na si Welva Gannaban matapos niyang tanggapin ang padalang package ng African boyfriend. Dinala iyon sa naturang address ng mga police asset na nagpanggap bilang mga kartero. Kinasuhan si Gannaban ng Tsuen Wan Court noong September 30.

Noong Mayo 2016, parehong insidente ang kinasangkutan din ng Pinay OFW na si Eleanor Aromin.

Isang African national na kaibigan daw niya ang nagpadala rin ng package para sa kanya.

Mula nang lumabas ang makabagong teknolohiya at nagkaroon ng access ang ating mga kababayan sa mga chatrooms at ilan pang anyo ng social media, nagkaroon ng tsansang magka-boyfriend ang ilan nating mga kababaihan sa HK gamit ang mga ito.

Hindi naman nila itinatago iyon. Ang totoo pa nga, kapag day off ng ating mga OFW, ito ang nagiging tampulan ng kanilang mga usapan: ang kanilang mga personal na buhay, kasama na ang pakikipagrelasyon, o pakikipag-BF sa ganito at ibang lahi.

Para sa ilan, proud ang feeling ang pagkakaroon ng karelasyon na hindi Pinoy.

Hindi man magandang pakinggan, ngunit biruan na nga nilang “kinakarir” talaga nila na magkroon ng boyfriend gamit ang Internet.

Mas mabilis, ‘ika nila, konting selfie at post lamang ng kanilang mga naggagandahang litrato, puwede na!

Hindi katulad ‘anya noon na pahirapan magka-boyfriend. Unang-una, mahal ang pagpapadala ng sulat noon. At napakatagal pa bago makarating. Kaya ngayon, napakaraming pribilehiyo na ng ating mga OFW gamit ang mga teknolohiyang ito.

Ngunit may babala naman si Vice Consul Alex Valespin ng Konsulado sa Hong Kong at pinag-iingat ang ating mga OFW laban sa ganitong klase ng mga modus operandi.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM mula Lunes hanggang Biyernes, alas 10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail:bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

Read more...