ISANG juicy position sa gobyerno ang naibigay sa isang tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakalipas na eleksyon.
Malawak ang sakop, maimpluwensiya at high profile ang naibigay na pwesto sa tagasuporta na bida sa ating kwento ngayong araw.
Pero sa kabila nito ay hindi pala happy itong si Sir dahil alam niyang mahihirapan siyang pantayan ang performance ng mga pinalitan niya sa pwesto.
Sa kanyang pakikipag-usap sa ating Cricket, nasabi ni Sir na ang talagang target niya na pwesto sa pamahalaan ay ang pagiging chairman ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Pero mukhang meron nang napupusuan ang Pangulo sa naturang posisyon kaya siya nailagay sa isang tanggapan sa labas ng Metro Manila.
Bilang isang portfolio position, mga negosyante at investors ang laging kaharap ni Sir sa kanyang pwesto.
Dito siya problemado dahil high school lamang ang natapos ng ating bida.
Nang tanungin ng ating Cricket kung bakit niya tinanggap ang bagong posisyon gayung nag-aalangan pala siya rito ay simpleng ngiti lamang ang naging tugon ni Sir.
Kesa nga naman mawalan at maunahan ng iba kaya nag-okay na rin siya sa posisyon na inalok sa kanya.
Isa sa kanyang unang inasikaso pagdating sa bagong pwesto ay maghanap ng mahusay na abogado bilang consultant.
Alam nya na kakailanganin niya ito dahil baka mapapirma siya sa ilang dokumento na posibleng hindi niya nauunawaan.
Isang malaking good luck na lang para kay Sir ang pabaon ng ating Cricket.
Good luck na lang daw sa kanyang angking kayabangan.
Ang bagong opisyal ng isang top government owned and control corporation na hindi mapakali sa kanyang bagong pwesto ay si Mr. M…Mayabang.