Bagong Polisiya sa mga may hika

UPANG matiyak na lehitimong claims lamang ng hika ang mababayaran, nagpalabas ang Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth ng bagong policy statements para sa pagkilala at pamamahala ng nasabing sakit sa mga matatanda.

Ang mga nasabing policy statements ay nakapaloob sa PhilHealth Circular 2016-004.

Ito ay naaayon sa Clinical Practice Guidelines (CPG) na ginagawang batayan ng nasabing ahensya upang matiyak ang de-kalidad na pangangalaga at serbisyo para sa mga miyembro nito.

Batay sa 2009 Philippine Consensus on Asthma Diagnosis and Management na binalangkas ng Philippine Council on Asthma of the Philippine College of Chest Physicians, ang nasabing policy statements ay magsisilbing gabay ng mga doktor, institusyon sa pangangalaga ng kalusugan at mga pasyente upang matukoy kung ano’ng mga nararapat na gamot, pagsusuri (laboratory exam) at pamamaraan ang dapat na irekomenda sa hika.

Isinasaad din ng nasabing policy statement na mga pasyente lamang na may status asthmaticus at yung mga hindi gumagaling sa pag-atake ng hika kahit nilapatan na ng karampatang lunas sa emergency room ang maaaring ma-confine.

Ang matagalan namang paggagamot sa hika ay maaari ng simulan habang ang pasyente ay naka-confine sa ospital. Ang mga pasyente namang maayos na ang vital signs sa loob ng 24 na oras at may kakayahang uminom ng gamot ay maaari na ring pauwiin.

Ang taong may hika ay kakikitaan ng mga sumusunod na palatandaan: paulit-ulit na ubo na lumalala pagsapit ng gabi o madaling araw; may huni (wheezing)sa dibdib; paghingal, paninikip ng dibdib; mga sintomas na lumalala kapag nag-eehersisyo.

Batay sa mga naunang pananaliksik, ang hika ay nananatiling pangunahing dahilan ng pagkakasakit at pagkamatay sa Pilipinas.

Ito rin ang isa sa pangunahing sakit na binabayaran ng PhilHealth. Mula Enero hanggang Disyembre ng 2015, nagbayad ang PhilHealth ng mahigit P1B para sa kabuuang 131,023 claims para sa sakit na ito. Ito ay mas mataas ng 27 porsiyento kumpara sa binayaran nito noong 2014
Dr. Israel Francis
A. Pargas
OIC-Vice President, Phulhealth

May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maaari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola st. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog97@ gmail.com.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.

Read more...