Bashers ni Digong di dapat pinapansin

MATAPOS idawit ng maraming preso ng New Bilibid Prisons (NBP) sa bentahan ng ilegal na droga, ang mga bintang kay dating justice secretary at ngayon ay Senator Leila de Lima ay nagkakaroon na ng kalinawan.

Ang huling testigo laban sa kanya sa House justice committee ay ang kanyang dating paboritong preso na si Jaybee Sebastian.

Kung isa o dalawa lang na preso ang nagtetestigo laban sa kanya, maaaring sabihing tainted o kasinu-ngalingan ang sinasabi nila.

Pero marami ang nagsasabi na siya’y tumanggap ng pera na nanggaling sa droga—na dire-diretso at walang paltos ang kanilang pagsasalita—kaya’t kapani-paniwala ang mga akusasyon.

Dapat ay bumitiw na si de Lima bilang senador.
***

Noong siya’y secretary of justice, ang NBP ay naging pistahan sa halip na isang reformatory ng mga convicted criminals.

Ang droga at alak ay umagos na parang tubig, nagkaroon ng mga palabas featuring celebrities like Sharon Cuneta, at labas-masok ang mga prostitutes sa NBP.

Hindi nangyari ang ganoong anomalya sa loob ng national penitentiary on a large scale.

Totoo, may mangilan-ngilan na nakakapasok na droga at alak at babae sa NBP noong kapanahunan ng ibang secretary of justice pero kakapiranggot lang kumpara noong si de Lima ang justice secretary.

Pinayagan ni de Lima ang mga anomalyang nabanggit sa loob ng NBP at ang malala pa, hinayaan niya na maging headquarters ng mga drug syndicates ang NBP dahil kumita siya ng limpak-limpak na salapi, ayon sa mga testimonya laban sa kanya.

Bilyong piso raw ang kinita ni de Lima, ayon sa taong pumalit sa kanya na si Justice Secretary Vit Aguirre.

Mapalad si de Lima na siya’y senador, kundi baka nasama na siya sa mga drug pushers na nasalvage.
***

Sinabi ni Jaybee Sebastian sa House committee on justice kahapon na maraming pulis ang nagpalala ng problema sa droga nang ipinagbibili nila ang mga droga na nahuli nila.

Ang mga pulis na ito, na tinatawag na “ninja cops,” ay dapat makilala, itiwalag sa serbisyo at ibilanggo ng habambuhay.

Pero may mas mabuting gawin sa kanila: Isama sila sa homicide statistics.

Sa madaling salita, i-salvage!

Pero kapag i-salvage naman ang mga ninja cops, baka mangalahati ang miyembro ng Philippine National Police (PNP).
***

Ang mga latest bashers ni Pangulong Digong ay isang French newspaper at isang local singer-actress.

Sinabi ng French newspaper na si Digong ay “serial killer” at ang showbiz personality ay sinabi naman na ang pangulo ay isang “psychopath.”

Binigyan ng dignidad ng Palasyo ang dalawang bashers nang sinagot sila ni Presidential Spokesman Ernesto Abella.

Nagsayang lang ng laway itong si Abella.

Ang dapat na ginawa ng Palasyo ay hindi pinansin ang mga ito as if they didn’t exist at all.
***
Kapag nagkasala sa batas ang isang anak, nagsasa-suffer ang mga magulang.

Walang magulang ang matutuwa o ipagwalang-bahala ang kagipitan ng anak.

Matinding sakit ang sinasapit ni Alma Moreno ngayon dahil tiyak na makukulong ng habambuhay si Mark Anthony Fernandez, anak niya sa yumaong actor na si Rudy Fernandez.

Umaasa si Mark Anthony na malulusutan niya ang kasong isasampa sa kanya.

Mabigat ang magi-ging parusa kay Mark Anthony at tiyak na wala siyang ligtas sa parusang naghihintay sa kanya.

Isang kilong marijuana ang nahuli sa kanya.

Ang ganoong karaming droga na mahuhuli sa isang tao ay considered na heinous crime na at walang piyansa.

Ilang beses kong inuulit na sana’y huwag pamarisan si Mark Anthony ng mga kabataang humahanga sa mga artista kahit na walang kuwenta ang pinaggagawa ng mga ito.

Walang nahihita sa paggamit ng droga at lalong masama kapag nagtulak pa.

Huwag ninyong sirain ang inyong kinabukasan sa droga.

Read more...