WALANG isyu sa anak ni Paolo Ballesteros ang pagganap niyang bading sa halos lahat ng ginagawa niyang projects ngayon, mapatelebisyon man o pelikula.
Sa bagong pelikula ng Viva Films, ang “Bakit Lahat Ng Gwapo May Boyfriend?” beki uli ang role ni Paolo. Makakasama niya rito sina Dennis Trillo at Anne Curtis. Kahit sa indie film niyang “Die Beautiful” ay isang transwoman naman ang karakter niya.
Pero sabi ni Paolo sa presscon ng “Bakit Lahat Ng Gwapo May Boyfriend?” naiintindihan daw ng anak niyang si Claire ang kanyang trabaho.
“Okay naman siya. Well, bata pa naman, but since baby pa siya nasa akin na siya, at nakikita naman niya na nagme-make up ako, nakikita niyang nagsusuot ako ng mga wigs, mga sapatos.
”Tapos, napapanood niya sa TV, sa Internet, alam niyang that’s for work. Even my pamangkins, alam nilang trabaho ko lang yun,” paliwanag ng Eat Bulaga host.
Sa tanong kung hindi ba nako-confuse ang kanyang daughter sa mga ginagawa niya bilang artista at paano nga kung magtanong na ito tungkol sa kanyang gender preference? “E, di sagutin kung magtanong.”
Nang matanong kung paano kaya siya makakawala sa mga gay role? “Gustong kong maging action star? Ha-hahaha! Puwede rin, di ba? Parang si Tomb Raider (Angelina Jolie).”
Sa nasabi ring presscon, tinanong si Paolo kung may kissing scene ba sila ni Dennis sa movie na showing na sa mga sinehan saOct. 19, tugon ng TV host-comedian, “Direk (Jun Lana), puwede pa ba (magkaroon ng halikan)?”
Hirit pa nito, “Yung seryoso, tinatanong pa? Oo!” sabay tingin kay Dennis na tila nagtatanong kung payag din ba ito sa kissing scene.
Para naman kay Dennis, walang problema sa kanya kung makipaghalikan man siya kay Paolo dahil nagawa na raw niya ito sa isang pelikula niya noon.