PATAY ang isang babae, samantalang sugatan ang tatlong iba pa matapos ang insidente ng hostage-taking sa loob ng SM mall sa Dasmariñas City, Cavite.
Tumagal ang pangho-hostage ng dalawang oras na nagsimula nang manaksak ng mga tao sa loob ng mall ang suspek na si Carlo Marcus Lacdao, 32.
Sa isang panayam, sinabi ni Cavite police chief Sr. Supt. Arthur Bisnar na pumasok si Lacdao sa loob ng mall ganap na alas-12:45 at hinahanap ang kanyang misis na si Erna Lacdao. Si Lacdao ay tubong Dulag, Leyte.
Sa naunang panayam, sinabi ni Bisnar na isang janitor ang suspek samantalang kasamahan naman niyang babae ang biktima.
Hindi naman malinaw kung bakit hinahanap ni Lacdao ang kanyang misis, bagamat sinabi ng pulisya na selos ang tinitingnan nilang motibo.
Armado ng kutsilyo, sinimulan ni Lacdao ang pananaksak sa nasa loob ng mall, isa rito ay nakilalang si Jollabelle Sumalin, at dalawang iba pang lalaki.
Namatay si Sumalin, mula sa Silang Cavite, dahil sa dami ng saksak na natamo.
Hinostage din ni Lacdao ang isa pang babae na nakilalang si Mylene Balajadia.
“We tried to negotiate (for the release of the hostage) but he would not surrender,” sabi ni Bisnar.
Idinagdag ni Bisnar na napilitang barilin ng mga pulis ang suspek sa katawan at dinala sa ospital.
Dinala rin ang mga biktima sa ospital, ayon kay Bisnar.
MOST READ
LATEST STORIES