Pahayagan sa France tinawag si Duterte na ‘serial killer president’

TINAWAG ng isang pahayagang sa France si Pangulong Rodrigo Duterte na isang “serial killer president” sa harap ng tumataas na bilang ng mga napapatay sa kaugnay ng kampanya ng administrasyon kontra droga.
Naging headline si Duterte ng pahayagan sa France na “The Liberation”,  kung saan iniulat nito ang kampanya ng gobyerno kontra droga sa apat-na pahinang balita.
Tinalakay din ng artikulo ang pagmumura ni Duterte kay US President Barack Obama at Pope Francis, at kontrobersiyal na pahayag matapos ikumpara ang kampanya kontra droga sa pagpatay ni Adolf Hitler sa mga Jews.
Sa isang panayam sa radyo, umalma naman si Interior Secretary Mike Sueno sa “serial killer” na pagtawag kay Duterte.

“Kung hindi ito ginagawa ni Pangulong Duterte, magiging narco-state tayo… Sa aming pananaw, walang extrajudicial killings dito dahil karamihan sa mga namamatay ay ‘yung mga lumalaban sa kapulisan,” sabi ni Sueno sa panayam ng DZMM.

Isa lamang ang The Liberation sa mga banyagang media na nag-ulat kaugnay ng kampanya ni Duterte kontra droga, na patuloy na umaani ng mga batikos dahil sa umano’y extrajudicial killings at paglabag sa karapatang pantao.

Naging balita rin si Duterte ng The Guardian, TIME, The New York Times, at Washington Post.
Nauna nang binatikos ni Duterte at kanyang mga opsiyal ang mga miyembro ng foreign media.
Batay sa “Kill List”, ng Inquirer, umabot na sa 1,234 ang mga napapatay simula Hunyo 30 matapos umupo si Duterte bilang pangulo.

Read more...