IKINATUWA ni Davao City Mayor Sara Duterte ang pagkakaaresto sa mga suspek na nasa likod ng pambobomba sa Davao City noong Setyembre 2 na kung saan 15 ang namatay at 70 iba pa ang nasugatan.
“It is, however, important for us to remember that the arrest must ultimately lead us to the dismantling of terror groups in our midst or result in the failure of more senseless acts of violence and extremism,” sabi ni Duterte.
Samantala, sinabi ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na naaresto ang isang negosyante sa Cotabato City at nakakumpiska ng bomba mula sa kanyang bahay.
Sinabi ni Chief Inspector Allan Uy, CIDG-ARMM spokesperson, na naaresto ang may-ari ng tarp at sticker print shop na si Teng Macabalang, na nasa 60s, ganap na alas-2 ng umaga sa kanyang bahay sa BarangayRosary Heights sa Cotabato City.
Idinagdag ni Uy na nakumpiska mula sa bahay ni Macabalang ang 81-millimeter mortar shell, isang rocket-propelled grenade (RPG) shell, detonating cord, hand held radio, improvised switch circuit, cellphone, blasting cap, isang plastik na lalagyan ng ice cream at iba’t ibang baril at bala.
“These bombs were ready to be set off,” dagdag ni Uy.
Sinabi pa ni Uy na tinitingnan na nila ang posibilidad na sangkot ang suspek sa mga pambobomba sa Central Mindanao at iba pang lugar.