Coco Martin: Sana maibalik na natin ang tiwala sa kapulisan!

COCO MARTIN AT ONYOK

COCO MARTIN AT ONYOK

UMAASA ang Teleserye King na si Coco Martin na patuloy na magbibigay inspirasyon ang FPJ’s Ang Probinsyano sa mga manonood, lalung-lalo na sa mga pulis at sundalong Filipino.

Abot-langit ang pasasalamat ni Coco dahil sa loob ng isang taon ay wala pa ring sawa ang madlang pipol sa pagtutok sa kanilang serye.

“Ang sarap sa pakiramdam kasi sobra naming pinaghirapan ito. Nakakataba ng puso kasi alam namin nakakapagbigay kami nang magandang aral lalo na sa mga kabataan,” pahayag ng Kapamilya actor sa nakaraang anniversary presscon ng Probinsyano.

Natutuwa rin si Coco kapag may mga pulis na lumalapit sa kanya at nagpapasalamat dahil unti-unti nang bumabalik ang magandang imahe ng PNP, “Sana sa pamamagitan nito maibalik natin ang pagmamahal at tiwala sa mga kapulisan.

“Sabi ko nga talagang pinag-aaralan namin ng mabuti kasi gusto rin namin makapagbigay kami ng magandang halimbawa sa ating mga manonood,” sey ng award-winning actor.

Nang matanong kung nape-pressure pa ba siya sa pagiging number one primetime series ng Ang Probinsyano, “Actually hindi kasi sabi ko nga, pinapangako ko. In three months, hanggang December, sisiguraduhin namin na hindi kayo bibitiw dahil napakaganda ng aming kwento na ibabahagi sa inyo.”

Ano naman ang masasabi niya sa mga nagsasabi na may mga episode sila na nagbibigay pa raw ng idea sa mga kriminal kung paano nila isasagawa ang kanilang modus operandi?

“Actually hindi, ang binibigyan namin ng idea, if ever na mangyari ‘yun sa buhay niyo o sa pamilya mo, binibigyan namin kayo nang kaalaman kung paano iiwasan. Hindi binibigyan ng idea ang mga kung sino,” tugon ng aktor.

At bilang bahagi ng unang anibersaryo ng Ang Probinsyano at bilang pasasalamat sa patuloy na pagsuporta ng mga manonood, isang bonggang concert ang magaganap na pangungunan ng cast members ng serye.

Makakasama rito ang mga naglalakihang pangalan sa industriya tulad nina Vice Ganda, Richard Yap, Paulo Avelino, Cesar Montano, Maja Salvador, Yassi Pressman, Bella Padilla, JC Santos, Vhong Navarro, Arjo Atayde, John Prats, Pepe Herrera, Awra, Onyok, Agot Isidro, Albert Martinez, Jaime Fabregas, Eddie Garcia and Susan Roces.

Magpapasiklaban din sa kantahan sina Ogie Alcasid, Kyla, Klarisse, Morisette, Daryl Ong, Jason Dy, Hashtags, Vina Morales at Gary Valenciano ng kanilang mga baong awitin sa concert.

Mag-uumapaw din ang kilig sa Sabado dahil sa loveteams nina James Reid at Nadine Lustre (JaDine), Elmo Magalona at Janella Salvador (ElNella), at Mccoy de Leon at Elisse Joson (McLisse).

Read more...