Sila na di marunong magpatawad

SA ika-99 na kaarawan ng ama niyang si dating Pangulong Ferdinand Marcos noong nakaraang Setyembre 11 ay umapela sa kanilang mga kritiko si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos upang patawarin na ang kanyang ama.
Ani Imee, tao lamang na nagkakamali ang dating presidente kaya “sana’y patawarin na nila at sa pagpapatawad nila’y mabigyan ang tatay ko ng kapayapaan.”
Dagdag pa niya na tatlong dekada nang galit at walang humpay na bumabatikos ang mga ito sa ama at sa kanyang pamilya kaya minabuti na niyang magsumamo sa mga ito para na rin “sa kanilang pagpapatawad ay mapawi na sa wakas ang kanilang galit at matagpuan rin nila ang katahimikan.”
Matatandaan na umigting ang panawagan sa pamilya Marcos na aminin ang mga kasalanan ng ama noong panahon ng martial law sa pagtakbo ng dating Sen. Bongbong Marcos sa pagkabise presidente noong Mayo. Hirit ng ilang lider ng simbahan, militante at mga biktima ng martial law sa senador na humingi ito ng tawad sa mga “atrocities and transgressions committed by the late strongman for 20 years.”
Lalo pang uminit ang usapin sa kapatawaran nang sabihin ni Pangulong Duterte na plano niyang ilibing si Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Giit ng mga kritiko, hindi bayani si Marcos at walang kapatawaran ang mga ginawa nito sa bayan kaya wala itong karapatang ihimlay roon. Nagsilabasan pa ang mga ito noong anibersaryo ng deklarasyon ng martial law noong nakaraang Setyembre 21 upang ipakita na hindi pa rin sila nakalilimot.
Pero parang may nakakalimutan ang mga grupong ito.
O baka naman pinipili lamang nila ang mga taong kanilang gustong patawarin?
Nasaan kaya sila tuwing anibersaryo ng People Power para kondenahin naman ang mga “atrocities and transgressions” na nagawa ng orihinal na Aquino administration.
Sa kabuuan ng termino ng unang Aquino na mula 1986-1992, naidokumento ng Task Force Detainees of the Philippines, isang human rights group, na aabot sa 816 ang bilang ng mga desaparecidos o mga nawalang parang bula; nasa 135 ang kaso ng pagmasaker, kabilang ang mga naganap sa Hacienda Luisita at Mendiola; pumalo sa 1,064 ang biktima ng extra-judicial killings; nasa 20,523 ang biktima ng ilegal na pag-aresto at kulong; at tinatayang nasa 1.2 milyong sibilyan ang nawalan ng tahanan bunsod ng mga operasyon ng militar.
Nakapagtataka na walang mga militante at mga lider ng simbahan ang nanawagan kay dating
Pangulong Noynoy na humingi ng tawad para sa mga kasalanan ng administrasyon ng ina.
Mapapaisip ka rin kung bakit tila madali nilang nakalimutan ang mga madugong kaganapang ito.
Sadya kayang ang kapasidad ng taong magpatawad ay nakasalalay lamang kung siya ang ginawan ng kasalanan?
Aminin natin o hindi, hindi naman lahat ng mga Pinoy ay nagdusa noong panahon ng martial law – marami rin ang nakinabang sa kanyang mga proyekto habang ay iba ay dedma dahil hindi naman sila nakaranas ng sinasabing pagpapahirap ng gobyerno.
Kaya sigurado kami na kung ang mga taong sarado ang isip sa pagpapatawad ang nakagawa ng kaparehong kasalanan, hindi rin sila mangingiming humingi ng kapatawaran, na kanila namang pilit na ipinagdaramot.

Read more...