DLSU Green Archers nakumpleto ang pagwalis ng first round

ateneo la salle

Mga Laro sa Miyerkules
(Mall of Asia Arena)
2 p.m. Adamson vs UST
4 p.m. FEU vs NU
Team Standings: La Salle (7-0); NU (4-2); FEU (4-2); Ateneo (4-3); Adamson (3-3); UST (2-4); UP (1-6); UE (1-6)

BINALEWALA ng De La Salle University Green Archers ang pagkawala ni head coach Aldin Ayo at team captain Jeron Teng tungo sa pagpapalasap ng 97-81 panalo kontra karibal na Ateneo de Manila University Blue Eagles upang walisin ang unang ikot ng labanan sa UAAP Season 79 men’s basketball tournament sa Mall of Asia Arena Linggo ng gabi.

Hindi kinakitaan ng kahinaan ang Green Archers na giniyahan ni assistant coach Louie Gonzales sa naging pisikal na kabuuan ng laban upang mapanatili ang kapit sa solong liderato at maging tanging koponan na may malinis na kartada sa pitong sunod na panalo.

Tanging sa unang yugto lamang naging mahigpitan ang laro saan nagkaroon ng limang lead changes at natapos sa tabla na iskor sa 20-all matapos ang 10 minuto bago na dinomina ng Green Archers ang labanan na pinanood ng kabuuang 16,212 katao.

Umiskor ang La Salle ng 23 puntos sa ikalawang yugto kontra sa 16 lamang ng Ateneo upang itala ang 53-36 abante sa pagtatapos ng first half na tuluyan nitong sinandigan sa huling dalawang yugto upang palasapin ng kabiguan ang Ateneo na nahulog sa 4-3 panalo-talong kartada.

Naghulog ang La Salle ng 9-0 bomba sa pagsisimula ng ikatlong yugto tampok ang isang tres ni Thomas Torres upang itala ang pinakamalaki nitong abante sa 26 puntos, 62-36, at hindi na nito hinayaan na mapababa sa 16 puntos.

Huling nagtangka ang Ateneo na makabangon sa paghulog ng tatlong sunod na tres, may 4:08 pa sa laro, upang makalapit sa 16 puntos na paghahabol, 73-89, subalit agad na gumanti ang La Salle sa 8-2 atake upang ibigay sa nasuspindi nitong coach na si Ayo ang panalo. Si Teng ay nagtamo naman ng injury sa praktis.

Pinamunuan ni Benoit Mbala ang Green Archers sa itinala nitong 28 puntos, 13 rebounds, 5 steals at 4 blocks.

Samantala, pinutol ng University of the East Red Warriors ang anim na sunod nitong kamalasan matapos na iuwi ang pinakauna nitong tagumpay sa torneo sa paghugot ng 64-57 panalo kontra Adamson University Soaring Falcons sa unang laro.

Sinandigan ng Red Warriors ang rookie na si Alvin Pasaol na nagtala ng team-high 13 puntos, 7 rebounds at 3 assists upang isalba ang koponan ni Derrick Pumaren na mapag-iwanan sa unang ikot ng labanan kontra naman sa Falcons na ginigiyahan ng mas nakababata nitong kapatid na si Franz Pumaren.

Nanatili naman sa hulihan ang UE kapantay ang walang larong University of the Philippines Fighting Maroons sa bitbit na 1-6 panalo-talo karta habang nalaglag sa solong ikalimang puwesto ang Falcons na nalasap ang ikalawang sunod na kabiguan para sa 3-3 panalo-talong kartada.

Mga iskor:
UE 64 – Pasaol 13, De Leon 12, Batiller 9, Manalang 7, Varilla 5, Bartolome 5, Olayon 5, Palma 2, Charcos 2, Penuela 2, Derige 2, Abanto 0
ADAMSON 57 – Sarr 13, Ahanmisi 10, Manganti 8, Espeleta 6, Manalang 5, Ochea 5, Tungcab 5, Bernardo 3, Camacho 2, Mustre 0, Pasturan 0, Ng 0
Quarterscores: 7-14, 21-30, 40-45, 64-57

DLSU 97 – Mbala 28, Caracut 14, Tratter 10, Torres 8, Montalbo 8, Rivero R 8, Melecio 5, Perkins 5, Dyke 4, Baltazar 2, Go 2, Paraiso 2, Rivero P 1, Sargent 0
ATENEO 81 – Wong 15, Nieto Ma 13, Asistio 11, Ravena 11, Mendoza 9, Ikeh 7, Porter 6, Go 5, Babilonia 2, Nieto Mi 2, Tolentino 0, Verano 0
Quarterscores: 20-20, 53-36, 80-58, 97-81

Read more...