Albie may ‘balls’ kaya napatumba si Andi

andi eigenmann at albie casino

WALANG kasing saya ngayon ang puso ng ina ni Albie Casino. Mula sa isang masaklap na karanasan dahil sa masasakit na salitang ipinukol sa kanyang anak ay baligtad na ang mundo ngayon.

Masayang-masaya ang mommy ni Albie dahil mismong mga kababayan nating nanakit nu’n sa kanyang anak ang nagpapadala ngayon sa kanila ng mga mensaheng nakapagpapataba ng puso.

Ayon sa Mommy Rina ni Albie, kahit saan daw ito magpunta ngayon ay positibo ang mga naririnig nitong komento, bendikado nga naman kasi si Albie sa usapin kung sino ba ang tunay na ama ng anak ni Andi Eigenmann na si Ellie?

Matatandaan na nu’ng kasagsagan ng galit ng mga netizen kay Albie dahil na rin sa pagpapasimunong manira ni Andi ay isinuko na lang nito ang lahat sa Diyos. At ngayong napatunayang hindi naman pala si Albie ang ama ng bata ay nakuha nang magpatawad ng ina ng aktor.

Tama nang naging malinaw ang laban na kinasuungan ni Albie, ang bendi-kasyong hawak ngayon ng aktor ay sapat na para sa kanilang pamilya, kahit pa maraming nakalampas na oportunidad nu’n para sa binata.

Wala ngang lihim na hindi nabubunyag kahit pa ilang taon ang lumipas. Tiyak na lalabas ang katotohanan sa takdang panahon.

At ngayon na ang tamang panahon para magtaas ng ulo si Albie Casino dahil napatunayan niya na hindi siya sinungaling, meron siyang paninindigan, marespeto siya sa kababaihan at meron siyang balls.
Naipanalo ni Albie Casino ang laban.

Read more...