Nawalan man ng gana si Pangulong Duterte matapos mapanood ang sinasabing sex scandal ni Sen. Leila de Lima, wala namang nakikitang problema si Speaker Pantaleon Alvarez kung ipalabas man ito sa pagdinig ng Kamara de Representantes.
Sinabi ni House Speaker Pantaleon Alvarez na hindi niya haharangin kung kakailanganin na ipalabas ang video.
“Well para sa akin ano wala namang diperensiya na ipanood iyan para malaman ng tao kung totoo iyan o hindi,” dagdag pa ni Alvarez. “Well kung talagang kinakailangan dahil para ‘yun ang mag-uugnay kung talagang mayroong personal relationship. Eh kung ayaw naman ni Sen. De Lima na mag-appear sa House of Representatives, so let the people, let
the public judge kung talagang totoo ‘yung video tape na ‘yan o hindi.”
Wala ring nakikitang iligal si Alvarez sa pagpapalabas ng video.
“Well, she is denying that she is the one involved in that sex video, so kung magde-deny ka aba’y humarap ka dito at sabihin mo hindi ako ‘yan, di ba? Ngayon kung ayaw mong mag-deny eh let the people judge kung talagang hindi siya ‘yun. I think fair lang naman ‘yun, ‘di ba?” dagdag pa nito.
Iginiit naman ni Alvarez na ginagawa nila ito upang makalikha ng mga batas na kailangan upang mapigilan ang mga nakakulong na magpatuloy sa kanilang iligal na gawain.
“Wala, walang lalabaging batas. We are doing this in-aid of legislation.”
Sa Oktobre 5 ipagpapatuloy ng House committee on justice ang pagdinig nito. Sinabi ni Alvarez kanilang ipapa-subpoena sina dating Bureau of Corrections chief Franklin Bucayu; Joenel Sanchez, dating bodyguard ni de Lima na miyembro ng Presidential Security Group, Presidential Anti-Organized Crime Commission Executive Director Reginald Villasanta at ang umano’y driver-bodyguard ni de Lima na si Ronnie Dayan.
Ayon naman sa chairman ng komite na si Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali posibleng hayaan muna nila na magpagaling si Jaybee Sebastian, ang umano’y nag-centralize ng drug trade sa loob ng NBP, matapos itong masaksak sa riot kahapon.