“Asset” ni de Lima sugatan sa riot; high profile inmate patay

bilibid-1-010314

PATAY ang isang convicted drug lord, samantalang sugatan naman ang apat na iba pa matapos magkagulo ang mga high profile inmates kaugnay sa umano’y pagpa-pot session ng tatlo sa kanila sa Building 14 ng Maximum Security Compound sa New Bilibid Prison (NBP).
Hindi na umabot nang buhay sa Muntinlupa Medical Center si Tony Co na nagtamo ng ilang saksak ng icepick sa katawan.
Nasa kritikal na kondisyon naman sa nasabing ospital ang convicted drug lord na sina Peter Co at ginagamot sa Ospital ng Muntinlupa si Vicente Sy. Kapwa rin nagtamo ng saksak ng icepick ang dalawa. Nasa nasabing pagamutan din si Maj. Clarence Dongael, na nasaksak din sa riot. Isinugod naman sa Asian Hospital si
Jayvee Sebastian, na inakusahang nag-centralize ng bentahan ng droga sa NBP para umano makalikom ng pondo para sa kandidatura ng noon ay Justice Sec. Leila de Lima, bunsod ng saksak sa dibdib.
Ayon kay Bureau of Corrections (BuCor) OIC Rolando Asuncion, nagsimula ang gulo alas-7:40 ng umaga sa isa sa mga selda sa Building 14.
Nagpa-pot session umano ang tatlong Chinese na preso nang maispatan sila ng inmate na si Edgar Sinco, na nagsumbong naman kay Dongael.
Sinita ni Dongael ang tatlo sa pangambang madamay ang iban mga preso.
Pahiga na umano si Dongael sa kanyang selda nang sugurin ito ng saksak ni Tony Co na nauwi sa riot.
Ayon kay Atty. Edgar Ariba, abogado ni Sebastian, nag-aalmusal ang kliyente niya sa kusina habang nanood ng TV nang atakihin.
Sinabi ni Asuncion na umabot lamang ng halos isang minuto ang gulo dahil mabilis na nakapagresponde ang grupo ng Philippine National Police- Special Action Force (PNP-SAF).
Idinagdag ni Asuncion na “simpleng riot” lamang ang naturang insidente.
Sa tala, aabot sa 16,000 bilanggo ang nakakulong sa Maximum Security Compound kung 38 dito ay nasa Building 14.
Kabilang sa mga nakakulong sa gusali ang tinaguriang “Bilibid 19” o ang mga itinuturing na high profile inmates gaya nina Sebastian, Peter Co; Tony Co, Sy; Dongael, Tomas Donena, Edgar Cinco at Herbert Colango.

 

Read more...