MERONG nami-miss ang isang bagong balik na kongresista sa plenaryo ng Kamara.
Hindi naman ang pork barrel fund ang nami-miss niya kundi ang mga bombang pinapasabog sa mga privilege speech.
Ayon sa mambabatas noon ay inaabangan ang mga nagpi-privilege speech dahil kalimitan ay mayroon itong expose. Mayroong gigibain.
Kaya naman kahit na ang mga reporter ay natataranta noon sa pakikinig lalo at minsan ay matagal bago sila mabigyan ng kopya.
Kadalasan kasi kung may exposé, isang kopya lang ang privilege speech. Ayaw ng magsasalitang kongresista na ‘masunog’ (malaman ng iba) kung ano ang kanyang mga sasabihin para hindi makagawa ng paraan ang kanyang babanatan.
Kumbaga, surprise!
Pero mula nang magbukas ang 17th Congress ay wala pa siyang nakikitang tumayo sa plenaryo at marinig para mag-expose ng isang malaking kontrobersya.
Miss na ito ng solon.
Masisisi mo ba si Pangulong Duterte kung gawin niya ang lahat para matupad ang mga pangako niya na aayusin ang bansa?
Highlight ng pangako niya ang paglaban sa ipinagbabawal na gamot. At naramdaman naman natin kaagad ang aksyon dito ng Philippine National Police.
Sabi nga ng isang kongresista, kung noon takot ka na maglakad sa eskenita kasi baka may makasalubong kang adik at mapagtripan ka, ngayon takot na yung mga adik na lumabas kasi baka naka-sibilyang pulis ang makasalubong nila.
Mukhang alam naman ni Duterte kung ano ang nangyayari sa ibaba at ayaw niya na paki-alaman siya ng iba sa kanyang diskarte sa pagresolba sa problema. Kaya siguro nakakapagbitiw siya ng matatalim na salita laban sa Estados Unidos.
Siya ang nakakakita ng tunay na kalagayan ng bansa at ang impormasyon niya ay hindi lamang yung mga naririnig niya o nababasa sa media.
At dahil hindi nga natin alam, ang lahat ng impormasyon na alam ng pangulo ay mayroong mga nangangamba.
Kung hindi man nila alam ang banta, tiyak naman daw na mararamdaman nila ang epekto ng pagbagsak ng halaga ng piso kontra dolyar.
May nakapuna lang, puro raw droga ang operasyon ng pulisya ngayon.
Napapabayaan daw ang jueteng kaya naman relax-relax lang ang mga gambling lord.
Hirit naman ng isa, mas malaking salot daw ng lipunan ang droga kaysa sa jueteng.
Sa jueteng daw may tumatama, pero sa droga tinatamaan lang ng lintik.
E, kung tumulong na lang kaya ang mga jueteng lord sa PNP para magkaroon ng pondo ang mga ito para masugpo ang droga?
Sa palagay n’yo ba ay winner ang solusyong ito? At tama ba naman ito?
Aminado naman ang gobyerno na kulang ang pondo ng PNP.
At lalong mababawasan ang pondo ng gobyerno kapag tinuloy na ang pangako ng pangulo na palawakin ang personal tax exemption.
Nangangahulugan ito na mababawasan ang kita ng gobyerno.
Kaya ang solusyon ay magtaas ng buwis o dagdagan ang pinapatawan ng buwis.
Tingin tuloy ng iba, ganun din iyon, walang ipinagbago. Parang inilipat mo lang daw kung saan ka kukurot sa kita ng mga manggagawa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.