Bato handa nang ipatupad ang Oplan Tokhang sa bahay ng mga artistang nasa Duterte drug list

bato dela rosa

WALANG sasantuhin si PNP Chief Ronald “Bato” dela Rosa sa mga celebrities na sangkot sa ilegal na droga, kahit pa raw sikat ang mga ito.

Ayon sa PNP official, tuloy ang pagpapatupad nila ng Oplan Tokhang sa mundo ng showbiz, partikular na sa mga artistang nasa drug list ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Matagal nang sinimulan ang Oplan Tokhang na galing sa Visayan word na “tok-tok hangyo,” na ang ibig sabihin ay ang pagkatok sa bahay ng mga suspected drug user at pusher bilang warning na itigil na ang paggamit at pagtutulak ng droga.

“Katukin natin sa kani-kaniyang bahay, kani-kaniyang TV station. Surrender na kayo kasi identified kayo na user,” mariing pahayag ni Bato sa isang panayam.

Ayon pa sa PNP chief, hindi exempted ang mga artistang sangkot sa illegal drugs sa ipinatutupad nilang Oplan Tokhang. Wala raw sasantuhin ang kanilang mga anti-drug operatives.

“I-Tokhang natin. Tinokhang nga natin yung mga high end subdivisions diyan, sila pa na public figure. They should be open to the public,” aniya pa.

Inihayag din ni PNP chief Bato na mas maganda kung kasama nila ang media sa pagpunta sa mga bahay ng celebrities na gumagamit at nagtutulak ng droga para bigyan ng babala ang mga ito.

Pero sinabi ng opisyal ng PNP na wala pa sa kamay niya ang sinasabing celebrity drug list dahil kasalukuyan pa ring dino-double check ang mga pangalan na nasa listahan.

Kamakailan, kinumpirma ni Martin Dino na may 50 celebrities na nasa drug list ni Duterte, 10 rito ay pusher daw habang 40 naman ang durugista. Pero hindi pinangalanan ni Dino ang mga nasa listahan. Na kay Pangulong Duterte na raw kung ibabandera ito sa publiko.

Samantala, bilib na bilib din si Bato sa ginagawang adbokasiya ng Teleserye King na si Coco Martin para makatulong sa pagsugpo ng ilegal na droga sa bansa.

Agree rin siya sa ginawang pag-endorso ng isang kongresista kat Coco para maging “celebrity advocate for a drug-free Philippines”.

Sa huling panayam nga sa PNP chief, sinabi nito kay Coco, “Maganda ang ginagawa niyo sa Ang Probinsyano. Bumabalik ang kumpiyansa ng mga tao sa mga pulis. Sana tuloy-tuloy na iyan.”

Read more...