NAPANOOD namin ang trailer ng pelikulang “The Third Party” nina Angel Locsin, Zanjoe Marudo at Sam Milby at talagang tawang-tawa kami dahil hindi namin in-expect na ang aktres pala ang gaganap na third wheel sa movie.
Nasanay na kasi kami na kapag ganitong kuwento ng pelikula ay ang lalaki madalas ang third party, parang “Bridget Jones Baby” ni Renee Zellweger.
Pero katulad nga ng sinasabi ng lahat, ibang klase raw gumawa ng pelikula si direk Jason Paul Laxamana, kakaiba raw ang mga konsepto nito at sa rami na ng nagawa nito ay “Love Is Blind” pa lang ng Regal Entertainment ang napanood namin. At totoong kakaiba nga ang pelikula at take note, kumita ito dahil bago nga sa panlasa ng manonood.
Going back to Angel, Zanjoe at Sam, aliw na aliw kami nu’ng ipakilala ni Samuel si Z ng, “My boyfriend” kay Gel, ang galing ng reaksiyon ng aktres na parang binagsakan ng langit at lupa nang malaman niya ang relasyon ng dalawang aktor.
At sa sinabi ni Angel na, “So, you’re the boyfriend?” na sinagot naman ni Zanjoe na naaalangan, “You’re the ex.”
Sa totoo lang bossing Ervin, aliw ang pelikula at tsinek namin ang komento ng mga nakapanood na ng trailer, wala kaming nabasang negatibo, lahat positibo at another blockbuster na naman daw ito mula sa Star Cinema kasi ibang konsepto at siyempre lahat sila puring-puri si Angel.
At doon ko nga nabasa na pinupuri rin si direk Jason kasi hindi magkakapareho ang mga pelikula niya.
May nagtanong sa amin na hindi raw ba nag-dalawang isip si Sam na tanggapin ang papel na gay o may boyfriend dahil baka raw maungkat ang gender issue sa kanya noon.
Sabi namin, na-challenge si Samuel sa proyekto at higit sa lahat, confident siya sa kanyang pagkalalaki kaya wala siyang pakialam kung bumalik ang isyu sa kanyang gender and in the first place, napatunayan namang hindi totoo ‘yun, di ba?
Naniniwala naman kami na ang mga lalaking walang itinatago sa katawan ay willing gumanap na bading sa pelikula.
Huli nga itong si John Lloyd Cruz na gumanap na transgender sa “Ang Babaeng Humayo” na mas mahirap gampanan dahil kinailangan talaga niyang magdamit-babae at naka-make up pa. Therefore, confident ang aktor na lalaking-lalaki siya.
Lalayo pa ba tayo, e, sa pelikulang “That Thing Called Tanga Na”, di ba’t puro lalaki ang mga bida na gumanap na mga bading tulad nina Billy Crawford, Martin Escudero, Kean Cipriano at iba pa.
Kung ang sikat at guwapong foreign actor na si Edward Pattinson nga na kaliwa’t kanan ang girlfriend at naging heartthrob pa, umaming gay pala kamakailan lang.
Kaya naniniwala kaming hindi na uso ang gender issue ngayon lalo’t artista ka at magaling pa.