Ikalimang sunod na panalo asam ng La Salle Green Archers
Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
2 p.m. Adamson vs La Salle
4 p.m. Ateneo vs UE
Team Standings: La Salle (4-0); Adamson (3-1); NU (2-2); Ateneo (2-2); UST (2-2); FEU (2-2); UP (1-3); UE (0-4)
IKALIMANG sunod na panalo ang pilit na itatala ng nangungunang De La Salle University Green Archers ngayong hapon sa pagsagupa nito sa mapanganib na Adamson University Soaring Falcons sa tampok na laro sa eliminasyon ng UAAP Season 79 men’s basketball sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Agad na magsasagupa ang kapwa galing sa maigting na panalo na Green Archers at Soaring Falcons sa ganap na alas-2 ng hapon bago sundan sa ikalawang laro ganap na alas-4 ng hapon sa pagitan ng kapwa sariwa pa din sa masaklap na kabiguan na Ateneo de Manila University Blue Eagles at University of the East Red Warriors.
Itinala ng natatanging may malinis na karta na La Salle ang ikaapat nitong sunod na panalo matapos dungisan ang dating malinis na kartada ng National University Bulldogs, 75-66, habang ipinagpatuloy ng Adamson ang panggugulat matapos isali sa mga nabiktima nito ang NU na nalasap ang ikalawang kabiguan, 64-51.
Hawak ng La Salle ang 4-0 panalo-talong karta para sa solong liderato habang surpresang nasa likuran nito ang Adamson na may bitbit na 3-1 panalo-talong rekord.
Posible naman na makasalo sa liderato ang Adamson kung magagawa nitong dungisan ang kartada ng La Salle. Magtatabla ang dalawa sa 4-1 karta kung makakagawa muli ng matinding upset ang Soaring Falcons.
Samantala, asam ng Ateneo de Manila University Blue Eagles masungkit ang ikatlong panalo sa loob ng limang laro sa pagsagupa nito sa hindi na nakakatikim ng panalo na University of the East Red Warriors. Huling nabigo ang Blue Eagles sa kamay ng Soaring Falcons, 61-62, habang nabigo ang Red Warriors sa University of the Philippines Fighting Maroons, 71-75.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.