Martin Andanar sa nambabagsak kay Digong: Di sila magtatagumpay!

andanar-at-duterte

TILA si Presidential Communications Office (PCO) Sec. Martin Andanar pa ang nahiya nang matanong tungkol sa panggagaya sa kanya ni Alden Richards sa Sunday PinaSaya ng GMA 7.

Nagkaroon ng chance ang ilang members ng entertainment media na makachikahan si Sec. Andanar kamakailan at isa nga sa mga naitanong sa kanya ay kung ano ang feeling na isa na siya sa mga karakter na ginagaya ngayon sa TV, at ang Pambansang Bae pa ang nag-i-impersonate sa kanya.

Ayon sa Kalihim, wala namang problema sa kanya ang panggagaya sa kanya ni Alden, trabaho lang daw ang ginagawa ng binata kaya hindi ito isyu para sa kanya. Tsaka, sikat na sikat daw ang Kapuso actor at alam niya kung gaano kamahal ng publiko ang binata.

Nang tanungin naman kung sino ang gusto niyang gumanap bilang siya kung sakaling i-feature ang kanyang life story sa Maalaala Mo Kaya o Magpakailanman, “Naku, wala pa akong maisip. Kayo na lang ang magsabi.” At nang may mag-suggest na si Alden na lang tutal ito naman ang nanggagaya sa kanya, “Nakakahiya naman kay Alden. Basta bahala na kayong mag-isip kung sino ang bagay.”

Samantala, nagbabala naman si Sec. Martin Andanar sa mga taong pilit na nambabagsak kay Pangulong Rodrigo Duterte. Mariing sabi nito, “Hindi sila magtatagumpay!”

Dugtong pa ng dating TV5 news anchor, “Kasi alam niyo, 91 percent (ng mga Pinoy) sumusuporta sa Presidente, e. So, hindi sila magtatagumpay.”

Nang tanungin ng media kung paano niya ia-assess ang pamamahala ng presidente sa ilang buwan pa lang nitong pamamahala sa bansa, aniya, “Napakabilis po magtrabaho ng ating Pangulo. Lahat ng kanyang mga ipinangako ay ginagawan po natin ng paraan para matupad.

“Wala po siyang tigil sa pagtatrabaho, hindi lang po sa paghahabol sa mga drug lord at mga drug pusher kundi para pagandahin ang ekonomiya.

“At kailangan po magkaroon tayo ng kapayapaan, kinakausap niya ang ating mga kapatid sa MILF, MNLF, ganu’n din sa CPP-NPA-NDF. Ganu’n din po yung pagiging lider ng ating Pangulo sa ASEAN region dahil tayo po ang magiging head ng ASEAN by next year. So, naka-focus din po siya at kami roon,” mahabang pahayag ng Kalihim.

Itinanong din kay Sec. Andanar kung nahihirapan ba ang pangulo sa kampanya ng gobyerno laban sa ilegal na droga matapos nga itong humingi ng six more months para tuluyan nang masugpo ang drug problema sa bansa.

“Hindi naman nahihirapan, pero nabigla lang sa dami. Hindi kasi inakala na ganun pala kadami ang sangkot sa droga, lalung-lalo na iyong mga nasa pulitika, yung nasa gobyerno.

“Sobrang dami e, kaya humihingi po ng karagdagang anim na buwan.

“Pero mayroon po tayong isang pangulo na matapat, masipag, at humble para aminin na kulang yung anim na buwan. Pero hindi siya titigil,” paniniguro ni Sec. Andanar.

Wala namang alam si Sec. Andanar sa sinasabing celebrity drug list na nasa kamay ng NCRPO at ni Digong, hayaan na lang daw na ang Malacañang at ang PNP ang magsalita tungkol dito para walang maging problema.

Samantala, in-announce rin ng Kalihim ang plano ni Duterte at ng Presidential Communiations Office na mas palakasin pa ang government-owned TV network na PTV4/NBN4 at ang radio station na Radyo Ng Bayan, pati na rin ang Philippine Information Agency. Ito’y para mas mapaigting pa ang paghahatid ng balita sa mga Pinoy tungkol sa mga proyekto ng pamahalaan.

In fact, nagpasa na raw ng bill sa Senado si Sen. Loren Legarda at Quezon City Rep. Alfred Vargas sa Kongreso para gawing People’s Broadcasting Network ang PTV4 na ang peg daw ay ang CNN at BBC. Kasabay nito, balak din ng gobyerno na magtayo ng regional TV at radio stations sa mga key cities sa bansa.

Ayon kay Sec. Andanar, aabot sa P1.4 billion ang ilalaang budget ng pamahalaan para sa mga proyektong ito.

Read more...