BAGO pa man magdala ng karangalan sa bansa at magbigay ng inspirasyon sa kanyang mga kababayan, hindi naging madali ang pinagdaanan ng weightlifter na si Hidilyn Diaz para makasungkit ng silver medal sa nakaraang Rio Olympics.
Tunghayan ang nakakaantig na kwento ng kanyang buhay sa natatanging pagganap ni Jane Oineza bilang si Hidilyn sa isa na namang espesyal na episode ng MMK ngayong gabi sa ABS-CBN hosted by Charo Santos.
Lumaki si Hidilyn sa isang mahirap na pamilya sa Zamboanga City. Ngunit kahit na salat sa pera, tanging ang atensyon at pagmamahal lamang ng kanyang pamilya ang kanyang kinailangan upang malagpasan ang mabibigat na hamon ng buhay.
Ngunit sa kanyang paglaki, hindi niya naramdaman ito kahit sa mga maliliit na bagay, tulad na lamang ng madalas na pag-utos sa kanya na mag-igib ng tubig kahit pa may mas nakakatanda siyang kapatid para gawin ito.
Nang madiskubre ni Hidilyn mula sa kanyang mga pinsan ang sport na weightlifting noong 2002, sumama siya sa training sessions nila at naging masigasig sa pagsasanay nito. Naging mahirap din ang pagsisimula niya rito dahil sanga ng puno ang una niyang ginamit sa pagpa-practice.
Hindi naging matagal bago nakipaglaban na sa loob at labas ng bansa si Hidilyn. Malaki ang naitulong ng naturang sport sa kanya dahil sa katunayan, ito pa ang naging daan upang makapagtapos siya ng pag-aaral.
Ngunit sa kabila ng mga papuri at tagumpay sa iba’t ibang kumpetisyon, hindi pa rin naging tunay na masaya si Hidilyn dahil hindi pa rin niya maramdaman ang pagmamahal at pagpapahalaga mula sa kanyang mga magulang at kapatid.
Hanggang noong 2014 nang harapin niya ang sunod-sunod na problemang sa kanyang napiling sport at pati na rin sa buhay pag-ibig.
Makuha pa kaya ni Hidilyn ang inaasam niyang pagkilala ng kanyang pamilya? Paano niya nalampasan ang mga pagsubok sa buhay para magpursige at kinalauna’y magtagumpay sa Rio Olympics?
Kasama rin sa MMK episode na ito sina Sofia Millares, Maricel Morales, Smokey Manaloto, Brace Arquiza, John Vincent Servilla, Hero Angeles, Laisa Comia, Dominic Roque, Monsour del Rosario, Ahron Villena, Mico Aytona, Kokoy de Santos at Perry Escaño, sa direksyon ni Dado Lumibao at sa panulat nina Mary Rose Colindres at Arah Jell Badayos.
Ang MMK ay pinamumunuan ng Star Creatives COO nito na si Malou Santos. Huwag palampasin ang longest-running drama anthology sa Asya, ang MMK tuwing Sabado ng gabi sa ABS-CBN.