Charo type makatrabaho si Piolo: Sa edad ko pwede pang magpakilig!

charo santos
MAGANDA ang pagbabalik sa akting ni Ms. Charo Santos-Concio dahil nanalo agad bilang Best Film (Golden Lion) sa nakaraang 73rd Venice Film Festival ang indie film niyang “Ang Babaeng Humayo” na idinirek ni Lav Diaz.

Ito ay mula sa produksiyon ng Sine Olivia at Cinema One Originals distributed by Star Cinema.
Sulit ang pagbabalik-pelikula ni Ma’am Charo pagkalipas ng 28 taong panunungkulan bilang Presidente at Chief Executive Officer ng ABS-CBN.

Halos 17 years siyang hindi umarte sa harap ng kamera kaya bago siya sumalang kay direk Lav sa “Ang Babaeng Humayo” ay nag-workshop muna siya kay Malou de Guzman para sa tamang kilos at pagsasalita bilang isang bilanggo.

Inamin mismo ng dating top executive na nanibago siya sa muling pag-arte sa harap ng kamera pero sabi nga, once an actress is always an actress, kaya talagang puro papuri ang natanggap niya mula sa mga nakapanood ng kanyang comeback film sa Venice filmfest.

Hindi nanalong Best Actress si ma’am Charo sa nasabing international filmfest pero okay lang iyon sa kanya, “That has never been foremost in my mind. I mean, pagkasimula ko ng pag-aartista, hindi naman ako gumagawa ng pelikula para manalo. Gumagawa ka ng pelikula because of your passion for the craft dahil gusto ko.

‘‘Yung pagkakapanalo, parang bonus na ‘yun. Like nag-usap kami ni direk Lav nun’g March, gumawa kami ng pelikula nun’g Mayo, hindi naman namin inisip na mapipili siya sa Venice at lalong hindi namin inisip na mabibigyan siya ng Best Film, Golden Lion award.

“So, that has never been my motivation. If it’s there, it’s an affirmation of the hard work that you’ve done. Pero hindi dapat ‘yun ang tinitingnan,” paliwanag ng award-winning actress.

Hindi binanggit sa mga naunang press release ng pelikula na kasama niya rito si John Lloyd Cruz, nalaman na lang ng iba nang makitang magkasama sila sa red carpet ng 73rd Venice Film Festival.

Kuwento ng aktres, “That was really part of the plan. Pinakiusapan talaga kami ni direk Lav not to talk about John Lloyd’s role in the movie kasi we didn’t want to preempt nga the premiere screening of the film. Kasi, naiiba talaga ‘yung ginampanan niya. Now the cat is out of the bag, he’s really great in this movie.”

At dahil successful nga ang unang pagpapalabas ng “Ang Babaeng Humayo” sa Venice at mukhang magiging matagumpay din ito sa Pilipinas ay tinanong si ma’am Charo kung may kasunod na agad ito.

“I guess yes, if the materials is good at saka maganda naman ‘yung character why not. Love ko rin ‘yan, malay mo may kilig movie (tawanan ang lahat ng nasa Dolphy Theater). Malay mo sa edad kong ito,” napangiting sabi nito.

“Hindi, ang tinitingnan ko talaga ‘yung material. Sabi ko nga, open ako sa isang kilig. Ha-hahaha! Sana mapansin na ako ng Star Cinema, siguro naman papansinin na nila ako ngayon,” tumatawang sabi pa nito.

At sa tanong kung sino ang gusto niyang katambal, “Naku, alam n’yo na ang sagot ko diyan, eh. Si Piolo (Pascual). Marami naman sila, pero (nagpa-cute at kinilig), sabi ko sa ‘yo, eh, sa edad kong ito, puwede pa magpakilig,” tumatawa uling sagot ng aktres.

Tinanong namin kung may business manager si ma’am Charo para sa negosasyon sa susunod niyang mga project.

“I consulted Mr. M (Johnny Manahan), Ms. Mariolle (Alberto), you know I gave them the courtesy after all, I spent 28 years in ABS-CBN and Star Magic is a talent management division of ABS-CBN, so I gave them the courtesy. Honorary member ako,” nakangiti niyang sagot.

Ano naman ang pakiramdam ni Ms. Charo na hindi napili ang movie nila para ilaban sa 2017 Oscars para sa Best Foreign Language Film category.

“Siyempre, it would have been great if our film was chosen, pero iba-iba ang panlasa ng tao, eh. Iba-iba ang panlasa natin and you accept that. Kung hindi napapanahon, di hindi.

“May pagka-philosophical kasi ang pagtingin ko sa buhay, eh. Kung hindi nauukol, eh di hindi bubukol. You just go with the flow and move on and we just be all happy for Ma Rosa,” paliwanag ng aktres.

Mapapanood na ang “Ang Babaeng Humayo” sa Set. 28 sa mga sinehan at kasama rin dito sina Nonie Buenccamino, Michael de Mesa, Sharmaine Buencamino, Marj Lorico, Mayen Estanero, Romelyn Sale, Julius Empredo, Jean Judith Javier, Prescy Orencio, Jo-Ann Requiestas at Kyla Domingo.

Read more...