MAGANDANG araw!
Nakita ko po ang inyong website at nais ko din pong magtanong ng may kinalaman sa benepisyo sa SSS.
Namatay po ang aking lolo noong November 2015.
Nais ko po sanang malaman kung, paano malalaman kung sino ang beneficiary sa kanyang SSS?
Sa kadahilanang hiwalay na sila ng aking lihitimo na lola at nag-asawa pong muli ng iba. Bago siya mamatay ay tumira siya sa amin ng ilang taon kaya iniisip ko na baka kasama sa beneficiary ang nanay ko dahil siya ay panganay na anak.
Lubos na gumagalang,
Karen Kwan
REPLY: Ito ay bilang tugon sa email ni Bb. Karen Kwan tungkol sa benepisyong maaaring matanggap ng benepisyaryo ng namatay na SSS member.
Hindi po nabanggit ni Bb. Kwan ang kumpletong pangalan at SSS number ng kanyang yumaonglLolo para sa beripikasyon ng rekords nito. Samantala, ayon po sa SSS Law, kapag namatay ang isang lehitimong miyembro ng SSS, maaaring makatanggap ng benepisyo sa pagpapalibing ang sinumang gumaastos sa pagpapalibing ng miyembro at benepisyo sa pagkamatay naman para sa kanyang lehitimong benepisyaryo.
Ang mga pangunahing benepisyaryo ay ang ligal na asawa hanggang siya ay mag-asawang muli at mga menor de edad na anak na legitimate, legitimated, legally adopted at illegitimate. Kung walang pangunahing benepisyaryo ang namatay na miyembro, ang mga magulang bilang pangalawagang benepisyaryo ang tatanggap ng benepisyo. Kung walang pangunahin at pangalawang benepisyaryo naman ang miyembrong namatay ang sinumang nakatala sa kanyang SSS Form E-1 ang tatanggap ng benepisyo.
Maaari pong magtungo sa pinakamalapit na SSS branch ang ina ni Bb. Kwan upang maberipika ang rekords ng namatay na miyembro. Magdala po siya ng certified true copy ng kanyang birth certificate at dalawang valid IDs, death certificate ng namatay at patunay na nakipagrelasyon na sa iba ang legal na asawa ng miyembro.
Para po sa katanungan ng ating mga miyembro, maaari din po silang mag-email sa member_relations@sss.gov.ph or tumawag sa call center 920-6446 hanggang 55.
Sana ay aming nabigyang linaw ang inyong katanungan.
Salamat po.
Sumasainyo,
May Rose DL Francisco
Social Security Officer IV
SSS Media Affairs Department
Noted:
Ma Luisa P Sebastian
Department
Manager III
Media Affairs
Department