NATIYEMPUHAN namin isang gabi ang teleseryeng Ang Probinsiyano ni Coco Martin. Sa isa-dalawang eksena kasi ay umarte ang anak ng isang kaibigan namin. Miron lang ang anak nito, walang dayalog, nagta-talent (extra) ito sa mga palabas ng ABS-CBN.
Nakakatawa, ‘yun ang dahilan ng aming pagtutok, pero ang nakaagaw ng aming pansin ay si Paulo Avelino na ang ginagampanang papel ay isang special child na gustong patayin si Coco Martin.
Napakalaki na ng iginaling niya sa pag-arte, habang pinaniniwala niya si Coco na fan siya nito ay halu-halo ang kanyang emosyon, tumatawa-lumuluha siya, napakabilis ng transisyon ng kanyang pagganap, magaling si Paulo sa kanyang mga eksena.
Nakikipagsabayan siya kay Coco Martin na wala nang kuwestiyon ang pagganap, pati sa pagdadayalog ng mga mata lang ay halos nagkakapantayan na silang dalawa, ang galing-galing ni Paulo Avelino.
Pagkatapos ng episode ay nangumusta ang aming kaibigan kung ano raw ang masasabi namin sa umekstra nitong anak. Tawa lang, malakas na tawa lang ang naisagot namin.
Hindi kasi namin napansin ang nagta-talent na anak ng aming kaibigan, na-stranded na kami sa panonood sa mahusay na acting ni Paulo Avelino, kahit nga si Coco Martin ay napagdamutan namin ng atensiyon dahil sa paghanga sa aktor na gumaganap na special child.
Ha! Ha! Ha! Ha!